Isinukong pagmamahal

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong column. First time ko pong mag-email sa inyo at sana ay mabigyan ninyo ng payo ang aking problema.

Ako po ay nasa second year high school, 13 years-old at itago na lang ninyo ako sa pangalang Joe.

Bagaman masasabing maaga akong nanligaw, sa totoo lang, ngayon lamang ako dumanas ng ganitong damdamin sa isang babae. Siya po ay si Mitch.

Noong una, lagi kaming magkasama. Textmate kami at laging nagtatawagan sa telepono. Nagsasabihan kami ng mga problema sa isa't isa.

Bagaman noong una ay hindi ko maipagtapat ang nararamdaman ko para sa kanya, naglakas-loob din akong makapagsabi ng aking damdamin.

Pero parang w ala siyang pakiramdam. Iba kasi ang pinagtutuunan ng kanyang atensiyon. Si Jake.

Alam ni Jake na nanliligaw ako kay Mitch pero sa halip na tulungan ako, inagaw pa niya si Mitch sa akin.

Hanggang sa ma-realize ko na parang umaasa ako sa wala. Hindi ako pinapansin ni Mitch kung si Jake ang kaharap niya kaya napagpasyahan ko na sumuko na dahil hindi ko naman makuha ang pagmamahal niya.

Masakit po sa aking damdamin pero kaya ko namang tumanggap ng pagkatalo.

Ano ba ang dapat kong gawin? Tama po ba ang ginawa kong pagsuko na wala akong puwang sa kanyang puso? Inaasahan ko po ang inyong payo at maraming salamat.

Joe


Dear Joe,


Huwag mong ikasakit ng kalooban ang pangyayaring hindi ka type ng babaeng mahal mo. Tama lang na matutuhan mong aminin ang katalunan sa isang kaibigang mas nakatawag ng pansin sa babaeng mahal mo.

Bata ka pa at marami pang Mitch ang makikilala mo na magpapahalaga sa damdamin mo.

Talagang sa pag-ibig, may natatalo at mayroong nagwawagi.

Ipagpatuloy mo ang pakikipagkaibigan kay Mitch para ipakitang isa kang maginoo at sport.

Talagang ganyan. Hindi lahat na gusto mo ay makukuha mo.

Malay mo naman, baka sa tinagal-tagal ng panahon ay mabago ang ihip ng hangin at makita rin ni Mitch ang magaganda mong katangian.

Makipagkilala ka sa iba. Socialize. Makikita mo, makakalimutan mo rin ang masakit mong karanasan sa unang pag-ibig.

Dr. Love

Show comments