Tawagin na lamang ninyo akong Cathy, 24 years-old at kasalukuyang nagtatrabaho sa Kuwait. May problema po ako sa aking asawa.
Nagpakasal po kami noong 1999 at pagkalipas ng tatlong buwan, nagbuntis agad ako. Napagkasunduan po namin na sa Pilipinas ako magsisilang pero ang gusto niya ay sa mga magulang niya ako tumira. Pero ipinilit ko na sa amin na lang dahil sa komportable ako sa poder ng aking mga magulang. Pumayag naman siya.
Umuwi ako noong March 2000 at nanganak ako noong Mayo 15, 2000. Pero walang ipinadalang pera ang asawa ko. Umuwi siya noong August 4, 2000 pero ang masama, ang promise niya na kukunin niya kami ng anak niya ay hindi rin natupad.
Umabot ang Setyembre at wala pa rin. Dahil walang-wala na ako, muli akong nag-abroad.
Muli kaming nagkabalikan nang bumalik na ako sa abroad. Tinanggap ko naman siya dahil mahal na mahal ko siya. Pagkalipas ng dalawang taon, nagdalang-tao na naman ako. Nagbakasyon uli ako sa Pilipinas pero hindi naman niya tiningnan ang anak namin.
Mahal na mahal ko po ang aking asawa pero paano na lang pagdating ng araw?
Ano po ba ang dapat kong gawin? Makipaghiwalay na lang kaya ako kahit masakit ito sa loob ko o hahayaan ko na lang siya?
Umaasa at nagpapasalamat,
Cathy of Kuwait
Dear Cathy,
Sa umpisa pa lamang ng pagsisilang mo ng anak mo, pinamihasa mo kasi ang asawa mo na hindi mo ipinababalikat sa kanya ang obligasyon niya. Nawili tuloy siya at nagmistulang binata.
Sana, kahit mahirap sa loob mo, sinunod mo ang kanyang kahilingan na sa kanilang poder magsilang ng panganay ninyo para hindi siya nalibre sa responsibilidad.
Nasa iyo ang pagpapasya kung hihiwalayan mo siya o hindi. Sa isang mag-asawa, hindi lahat ng pagkakataon ay pinaiiral ang awa at pagmamahal.
Kung mahal ka ng asawa mo, hindi niya matitiis na magsisilang ka nang wala siya o kaya'y hindi man lang titingnan kung sino ang kamukha ng kanyang anak.
Ang mister mo ba ay inaasahan pa ng kanyang pamilya?
Maaaring karibal mo pa hanggang ngayon sa atensiyon ng iyong asawa ang kanyang mga magulang at iba pa niyang kamag-anak.
Huwag ka munang magpadalus-dalos ng hakbang. Isangguni mo sa abogado ang iyong problema sa iyong asawa.
Dr. Love