Tawagin na lamang po ninyo akong Nancy, isang biyuda at may tatlong anak na puro lalaki.
Nais ko pong ibahagi sa inyo ang aking problema at tuloy humingi ng payo kung ano ang nararapat kong gawin tungkol sa relasyon ko sa isang bilanggo na tawagin na lang nating Mr. Taurus. Hindi ko po naman pinagsisisihan ang pakikipagrelasyon ko sa kanya dahil mabait naman siya at tapat sa akin. Kahit po sabihin ng iba na isa siyang bilanggo, naniniwala ako na hindi lahat ng mga nasa bilangguan ay may kasalanan. Minsan ay biktima lang sila ng maling hustisya.
Naging magka-penpal muna kami ni Mr. Taurus sa mahabang panahon bago kami nagkaroon ng relasyon. Ang iniisip ko nga ngayon ay ang magiging reaksiyon ng mga anak ko. Baka kasi sabihin nila na sa bilanggo lang ako umibig.
Sa totoo lang, wala namang tutol ang aking mga anak na makipagrelasyon ako sa lalaki. Lagi nilang sinasabi na papuntahin ko raw ito sa bahay. Ang sagot ko sa kanila ay saka na lang.
Sa picture lang nila nakikita si Mr.Taurus at ang sabi nila ay mukha naman itong mabait at hindi kami nagkakalayo ng edad. Payuhan po ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin at baka oras na malaman nila na bilanggo ang nobyo ko ay itakwil nila ako.
Mahal ko po ang aking mga anak at mahal na mahal ko rin po si Mr. Taurus dahil sa kanya ako nakadama ng tunay na pagmamahal. Tuwing dumadalaw ako sa kanya ay lagi niyang tinatanong sa akin kung ano ang idinadahilan ko sa aking mga anak. Sinabi pa niya na balang araw ay mauunawaan din nila ang kalagayan namin. Sinabi pa niya na paglaya raw niya, siya na mismo ang magsasabi sa mga anak ko. Payuhan po ninyo ako.
Nancy
Dear Nancy,
Tunay na mahiwaga ang pag-ibig at wala itong kinikilalang antas ng pamumuhay at uri ng pagkatao.
Ang masasabi lang ng pitak na ito, kung talagang nagmamahalan kayo nang tapat, walang dahilan para maghiwalay kayo.
Gayunman, tantiyahin mo rin ang panig ng mga anak mo dahil maaari ngang kamuhian ka nila sa paglilihim mo sa tunay na pagkatao ng nobyo mo ngayon.
Ang alam mo ay ang panig ng nobyo mo at dito mo ibinabase ang damdamin mo sa kanya ngayon.
Bakit kaya hindi ka magtanung-tanong mula sa mga nakakakilala sa kanya kung ano talaga siya noong nasa buhay-laya pa siya?
Kilalanin mo ang kanyang angkan at ito ang maaaring maging mabisang daan mo para tanggapin siya ng mga anak mo.
Hindi lang naman mga anak mo ang maaari mong maging problema kundi maging ang pamilya mo at pamilya ng nasira mong asawa.
Hindi natin gustong husgahan ang pagkatao ni Mr. Taurus at hindi natin puwedeng hadlangan ang tunay na pagbabagong-buhay niya sa pamamagitan ng pag-ibig ninyo.
Pero kailangang tiyakin mo kung ano ang tunay na pag-uugali niya at kung talaga bang wagas ang pag-ibig niya sa iyo.
Dr. Love