Inatake po sa puso ang Lola Naty Claudio ko noong Enero 4, 2002. Pangatlong atake na niya ito dahil sa high blood. Dinala namin siya sa ospital pero sinabi ng mga duktor na kahit na maoperahan siya ay magiging lantang gulay lamang ang matanda at 60 porsiyento lamang ang tsansang mabubuhay siya.
Wala kaming panggastos. Tinawagan ko ang mga pastor at prayer warriors o intercessors para ipagdasal ang lola ko at mabisita siya dahil alam kong ang Panginoong Hesu Kristo lang ang tanging pag-asa niya para siya'y mabuhay pa. Noong Peb. 8, naoperahan sa ulo ang lola ko at naging matagumpay ang operasyon. Akala namin ay tapos na ang kanyang pagdurusa pero naging abnormal ang kanyang blood pressure. Minsan ay sobrang baba at minsan naman ay sobrang taas. Nagkaroon pa siya ng infection sa dugo. Binutasan na lang ang kanyang lalamunan para makahinga siya.
Araw-araw ko siyang binabasahan ng Bible, kinakausap at sinasabihan na manampalataya sa Panginoong Hesu Kristo para siya'y pagalingin. Kahit na comatose siya, lagi kong sinasabi sa kanya na magtiwala lamang sa Diyos dahil walang imposible sa Kanya. Habang ginagawa ko ito, lalong tumitibay ang aking pananampalataya na bubuhayin ni Hesus ang lola ko.
Sinabi ng Diyos sa Mga Awit 46:10: 'Maging mahinahon kayo at kilalanin ninyo Ako na Ako nga ang Diyos. Itataas Ako sa mga bansa at buong daigdig.' Kaya naman lalo akong naniwala na pagagalingin Niya ang lola ko.
Noong Marso, lumabas na ng ospital ang lola ko. Pinagkalooban kami ng Diyos ng perang pambayad sa ospital, mga gamot at serbisyo ng mga doktor at nurses. Wala kaming utang nang lumabas kami ng ospital.
Noong Okt. 26, ginanap ang 19th anniversary ng Christ, the Living Stone Fellowship na ginawa sa Cuneta Astrodome. Dinala namin dito ang lola ko para ipanalangin. Pero nagulat ako dahil nakalakad siya at ipinanalangin ng senior pastor ng CLSF. Talagang makapangyarihan ang Diyos! Salamat po sa Panginoong Hesu Kristo. Fe Saraza, Malibay, Pasay City