Naninilbihan ako bilang isang priestess sa Buddhist Temple sa Binondo. Tinitingala ng mga kapwa ko Filipino-Chinese ang aking pagka-priestess dahil marami-rami na po akong natutulungan sa kanila.
Sa aking pagdarasal sa kanila, marami ang nagsipaggaling at natugunan ang kanilang mga problema at mga dala-dala sa buhay nila. Ang pinakamahalagang nagawa ko ay nang mabuhay ko ang isang taong patay dahil ipinapanalangin ko siya sa Diyos.
Tuwing mayroon akong ipinapanalangin na tao, nararamdaman kong may pumapasok na espiritu sa aking katawan. Sabi ng mga nakakita sa akin, nag-iiba raw ang mukha ko at ang boses ko. Sa halip na boses babae ang lumalabas sa aking bibig, nagiging boses lalake na malakas at buung-buo. Tuwing sinasaniban ako ng espiritu, maraming mga himala ang nangyayari. Ang mga maysakit ay gumagaling, ang mga nabibigatan ay gumagaan ang mga pasanin, ang mga naputol na relasyon ay nadudugtong muli at marami pang iba.
Akala ko noon, ang ginagawa ko ay galing talaga sa Diyos dahil doon naman ako humihingi ng tulong.
Subalit, minsan, napagsabihan ako ng isang kaibigang pastora na ang ginagawa ko raw ay galing sa diyablo o demonyo. Nagalit ako sa kanya dahil sa aking pagkakaalam, ang talagang pinanggagalingan ng kapangyarihan sa panalangin ko ay ang Diyos at hindi ang diyablo o demonyo.
Subalit isang gabi, hindi ako makatulog. Naaalala ko ang sinabi ng pastora. Hinamon ko ang Diyos na kung talagang tama ang pastora at akoy mali ay ihayag Niya ito sa akin sa Kanyang Salita, ang Biblia. Nabuksan ko ang Deuteronomy na nagsasabi na kinamumuhian Niya ang mga taong sumasamba sa diyus-diyusan, pambabarang at iba pang mga kasuklam-suklam na gawain. Hindi ako nakuntento, binuksan ko uli ang Biblia at doon sa Isaiah naman ako napunta. Sinabi naman doon ni Isaiah na gumagawa ang tao ng mga imahen na yari sa kahoy para yukuan at sambahin. Ang kalahati sa kahoy na ito ay ginagawang panggatong. Nang tingnan ko ang imahen ni Buddha, kinilabutan ako.
Sinabi ko sa Panginoon, kung talagang Ikaw ang nangungusap sa akin, ipakita Mo pa sa akin ang isang passage na talagang magsasabi sa akin na ang mga ginagawa ko ay galing sa diyablo o demonyo. Itinuro ako sa Mateo na nagsasabi na hindi lahat ng mga nagsasabi sa Kanya ng Panginoon, Panginoon ay makakapunta sa Kaharian ng Diyos kahit sila ay nagpapalaya ng mga demonyo, nagpapagaling ng mga maysakit at nagsasalita ng ibat ibang wika. Pagkatapos ko itong basahin, napahagulgol na lamang ako at nagulat ang aking asawa kung bakit ako iyak nang iyak at humahagulgol.
Humingi ako ng tawad sa Panginoong Hesu Kristo at tinanggap ko Siya bilang Tagapaglitas at Panginoon ng aking buhay. Tinulungan ako ng mag-asawang Pastor Butch at Meth Belgica ng The Lords Vineyard para lumago ako pati na ang aking asawa sa bago naming buhay kay Hesus.
Sinabi ko ito sa isang CLSF counselor para maisulat niya ito sa kolum na ito nang ang sinumang makabasa nitoy mabuksan ang isipan at puso at silay mamuhay na ayon sa kalooban ng Panginoong Hesu Kristo. Beth Din, Mandaluyong City