Matagal ko nang sinusubaybayan ang column mo at sa dami ng mga problemang dumating sa buhay ko ay ngayon lang ako nagkalakas ng loob na sumulat sa iyo.
Sa edad kong16 ay hindi na ako dalaga. Nakipag-live in na ako pero sikreto lang. Hindi ito nalaman ng mga magulang ko at tumagal ng mahigit isang taon ang pagsasama namin ng boyfriend ko. Hindi kami nagkaanak. Mahal na mahal ko siya kaya pumayag ako na magsama kami. May usapan kami na kapag gumraduate ako ay magtatanan na kami.
Pero dahil bata pa ako, medyo mapusok ako at paiba-iba ng desisyon. Nagkaroon ako ng ibang boyfriend at nalaman niya ito. Iniwan niya ako at ipinagpalit sa barkada ko. Masakit ang nangyari at halos mabaliw ako. Matagal na panahon bago ako naka-survive.
Nagkaroon ulit ako ng boyfriendsi Nad. Maraming nagsasabi na hindi raw kami bagay. Para raw kaming mag-kuya pero wala akong pakialam. Ipinagtapat ko sa kanya ang naging karanasan ko pero tinanggap pa rin niya ako. Nagturingan kami na parang mag-asawa. Nang lumayas ako sa amin, tinulungan niya ako kahit pagalitan siya sa kanila. Ayaw sa kanya ng mga magulang ko at ayaw din sa akin ng mga magulang niya. Tinago namin ang relasyon namin at nangakong hindi bibitaw.
Pero matigas talaga ang ulo ko at mabarkada ako. Isang araw, pinapili niya ako kung siya o mga barkada ko. Pinili ko ang mga barkada ko. Nakipag-cool off siya. Lagi akong naglalasing dahil sa sama ng loob. Kapag tumatawag ako sa kanila, lagi kong sinasabi sa kanya na mahal na mahal ko siya. Mahal din daw niya ako pero kailangan kong magbago at iwanan ko raw ang mga barkada ko. Ngayon ay hindi na kami nag-uusap. Balita ko ay nasa probinsiya siya.
Tama ba na maghintay ako sa kanya? Kung mahal niya ako, bakit niya ako pinasasakitan nang husto? Ano ang dapat kong gawin?
Hanggang dito na lang at maraming salamat.
Always,
Mona
Dear Mona,
Tunay ngang paiba-iba ang takbo ng utak mo. Sa kabila ng naging mga karanasan mo sa pag-ibig ay parang hindi ka pa natututo.
Sa edad mong iyan, nakikita ko na parang sa pag-ibig lang umiinog ang mundo mo. Bakit hindi mo bigyan ng prioridad ang pag-aaral mo? Hindi ko rin lubos-maisip kung paanong hindi nalaman ng mga magulang mo ang pakikipag-live in mo sa loob ng mahigit isang taon. Anong klase silang mga magulang?
Ayusin mo ang buhay mo. For a while, umiwas ka muna sa mga barkada mo at mag-aral na mabuti. Kung talagang mahal ka ng boyfriend mo, babalikan ka niya. Siguro ay nagsawa na rin siya sa tigas ng ulo mo. Kung talagang kayo ang itinadhana, kayo ang magkakatuluyan pagdating ng araw.
Dr. Love