Puso’y sinugatan

Dear Dr. Love,

Pagbati!

Ako po si Lean, 15 taong-gulang. Napasulat po ako dahil sa aking problema sa pag-ibig. Ako po’y nagkagusto sa lalaking hindi ako minamahal.

Nguni't talagang mahal na mahal ko siya. Niligawan niya ako pero pinaglaruan lang niya ako.

At ginamit lang niya ako para mapalapit siya sa aking pinsan. Nang sabihin niya sa akin ang katotohanan na hindi niya ako mahal ay parang nawalan na ako ng pag-asa.

Ayoko nang umibig pang muli. At ang masakit pa sa lahat, pinsan ko pa ang kanyang nagustuhan.

Hindi ko po alam ang aking gagawin. Tulungan po ninyo ako. Talagang mahal na mahal ko siya. Simula nang malaman kong sila na ng pinsan ko ay hindi na ako natahimik.

Lubos na gumagalang,
Lean



Dear Lean,


Huwag mong patayin sa tawag ng pag-ibig ang puso mo dahil lamang sa mapait mong karanasan sa isang lalaki.

Hindi pare-pareho ang lalaki. Alam kong isang araw ay matatagpuan mo rin ang isang lalaking mamahalin mo at magmamahal sa iyo nang tapat.

Ang kasawian ay ipinahihintulot sa ating buhay ng Diyos dahil ito ang nagtuturo sa atin para maging matatag sa mga pagsubok ng buhay.

Patawarin mo ang lalaking iyan na sumugat sa iyong puso.

Dr. Love

Show comments