Good day to you at sa PSN staff.
First time ko pong sumulat sa inyo. Hindi po ninyo naitatanong, masugid akong tagasubaybay ng column ninyo. Lagi ko po itong inaabangan at binabasa ang magaganda ninyong payo sa mga nagdudulog sa inyo ng problema.
Tawagin mo na lamang akong Ms. Sagittarius. Dati ay may boyfriend ako pero kinalasan ko siya matapos kong mabalitaan na kinukursunada siya ng aking kaibigan.
Nakipagkalas ako sa kanya kahit na wala namang away na namagitan sa amin. May pitong buwan na po kaming walang komunikasyon.
Sa ngayon, may syota ako pero isa siyang tomboy. Naging magkaibigan muna kami at pagkatapos nito ay nagtapat siya sa akin ng kanyang damdamin na tinanggap ko naman.
Maganda naman ang aming pagsasama. Mahal na mahal niya ako pero sobra ang pagkaselosa niya. Ayaw niyang nagsusuot ako ng sleeveless na blouse at shorts. Sinusunod ko siya dahil mahal ko siya.
Tama po ba ang ginawa kong pakikipagkalas sa aking nobyo at nakipagrelasyon sa isang kabaro ko? Alam kong kayo lang ang makakatulong sa akin sa aking problema.
Gumagalang,
Ms. Sagittarius
Dear Ms. Sagittarius,
Marami na rin akong natanggap na mga sulat na may kaparehong problema tulad mo.
Bagaman tanggap na rin sa sosyedad ang pagkakaroon ng ikatlong kasarian, hanggang ngayon ay hindi pa rin matanggap ng lipunan ang relasyong babae sa babae at lalaki sa lalaki. Subalit marami ng ganitong relasyong nagaganap.
Maaaring sa kanya mo natagpuan ang hinahanap na magandang relasyon na hindi mo natagpuan sa dating boyfriend. Maaari rin namang hindi pa masyadong hinog ang relasyon mo sa dating nobyo kung kayat nagawa mong hiwalayan ito kahit walang away at sapat na dahilan.
Masyadong masalimuot ang pinasok mong relasyon kung kayat hanggang ngayon ay hindi mo pa rin makalimutan ang dating nobyo. O baka naman nakokonsiyensiya ka rin sa relasyong babae sa babae. Alam ba ito ng pamilya mo?
Hindi ko tinatawaran ang kakayahan ninyong mapagtagal ang inyong relasyon pero kung mayroon ka nang dinadalang mga pangamba sa maaaring kahinatnan ng inyong relasyon, makabubuting pakaisipin mong mabuti kung talagang gusto mo ang ganitong pakikipagmabutihan sa isang tomboy.
Bukod sa taliwas ito sa kalakaran ng buhay, hindi rin maiiwasang makutya ka ng iba sa pinasok mong relasyon.
Ngayon pa man ay mag-isip ka na at sanay magliwanag ang isip mo sa pinasok mong pakikipagkaibigan sa isang kabaro.
Dr. Love