Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng pitak ninyo at kinaluluguran ko ang magaganda ninyong payo at aral sa buhay na ipinagkakaloob sa mga dumudulog para humingi ng payo.
Kaya naman hindi ako nangiming lumiham sa inyo para humingi ng payo dahil sa malaking problemang bumabagabag ngayon sa akin.
Itago na lang po ninyo ako sa pangalang Mie, 21 taong-gulang. Naririto ako ngayon sa Metro Manila. Galing po ako sa Bicol.
Naganyak akong makipagsapalaran dito dahil sumunod ako sa aking boyfriend na siyang nag-engganyo sa akin na lisanin ang dati kong trabaho para muli kaming magkasama.
Dati kaming magkasama sa trabaho sa Bicol. Nagtrabaho akong saleslady sa loob ng tatlong taon sa dati kong pinagtatrabahuhan.
Dahil sa tagal ng aming pagiging magkaibigan, nauwi sa pagiging magkasintahan ang aming relasyon. Mahal na mahal ko siya kung kayat naisanla ko sa kanya ang pinakaiingatan kong puri at karangalan. Lingid po ito sa kaalaman ng aking pamilya.
Ang nobyo ko po ang unang umalis sa Bicol para makipagsapalaran sa Maynila at ginanyak niya akong sumunod dito sa kanya.
Pero nang sumunod naman ako sa kanya dito, ni hindi man lang niya ako tinatawagan o binibisita. Nang tumawag naman ako sa bahay ng tiya niya, sinabi nitong palipat-lipat ito ng trabaho. Apat na buwan na ako dito pero ni minsan ay hindi pa niya ako pinuntahan. Masamang-masama po ang loob ko at palagi akong umiiyak sa masaklap na karanasang naganap sa akin. Nalimutan na niya ang marami niyang magagandang pangako sa akin.
Dapat pa po ba akong umasa sa kanya? Ano po ang dapat kong gawin?
Umaasa sa inyong payo,
Mie
Dear Mie,
Tulad ng iba pang kababaihang narahuyo sa matatamis na pangako at sobrang pagmamahal sa kasintahan, nasa gitna ka ng malaking problema kung may patutunguhan ba ang relasyon mo sa boyfriend mo na pinagsanlaan mo ng puri.
Hindi naman masamang hanapin mo siya para malaman kung ano na nga ba ang score ng relasyon ninyo. Baka naman nahihiya lamang siyang humarap sa iyo dahil wala pa siyang pirmihang trabaho at ikaw ay inengganyo niyang sumunod sa kanya gayong wala ka naman palang maaasahang katatagan kung kayo man ay magsasama.
Huwag kang mawalan ng loob. Kung matuklasan mo mang iba na nga ang nobyo mo at nalimutan na ang pangako niya sa iyo, lalo kang magsikap para makabangon sa kinadapaan mo.
May natutuhan ka nang magandang aral sa buhay at matatag ka nang sumalungat sa unos.
Huwag kang makalimot sa pagtawag sa Panginoon para gabayan ka sa pagtahak sa tamang landas ng buhay.
Dr. Love