Good day to you and to all the staff members of PSN. Sumulat po ako para humingi ng payo.
Tawagin na lamang ninyo akong Lonely Girl, 22 years-old at mayroon na po akong boyfriend.
Ang problema ko po ay kung dapat ko pa bang ipagpatuloy ang relasyon ko sa kanya na tawagin na lamang nating Mr. Arts.
Tatlong buwan na po kaming mag-on. Tiwalang-tiwala po ako sa kanya kahit na hindi pa kami masyadong magkakilala.
Bihira lang po kaming magkita pero kapag magkasama kami, masaya naman kaming dalawa at siya pa ang nagsasabi na baka iwanan ko siya tulad ng ginawa ng dati niyang girlfriend sa kanya.
Ganito ang aming sitwasyon hanggang sa isama niya ako sa kanilang tahanan para makilala ko raw ang kanyang mga magulang. Sumama ako pero nabigo po ako dahil sa pakiramdam ko ay hindi nila ako gusto dahil marahil sa mahirap lang ako.
Ilang araw ang lumipas, tumawag si Mr. Arts at niyaya niya akong muli sa kanilang tahanan. Pumayag na naman ako.
Pero bigla akong kinabahan dahil nang dumating kami sa kanila ay walang katao-tao. Bigla niya akong niyakap. Pilit kong iniwasan ang mga yakap niya pero malakas siya at hindi ko siya kaya.
Nangyari ang hindi dapat maganap. Natakot ako at sinabi ko sa kanya na baka lokohin lang niya ako. Hindi raw.
Sinabi niya sa akin na mahal niya ako kaya lang ay mayroon daw siyang problema kaya hindi niya ako matatawagan lagi.
Tumagal ang pag-uusap namin sa telepono na nauwi sa pagtatalo. Sinabi ko sa kanya na mas mabuting maghiwalay na lang kami para hindi ako lalong masaktan.
Dr. Love, bigyan po ninyo ako ng payo at lakas ng loob para malagpasan ko ang kabiguang dumating sa buhay ko. Hanggang dito na lang at maraming salamat sa inyo. God bless you.
Gumagalang,
Lonely Girl
Dear Lonely Girl,
Huwag mong masyadong ikalungkot ang kabiguan mo sa pag-ibig. Niloko ka man ng boyfriend mo, idalangin mo na lang sa Diyos na sana, tuluyan mo na siyang makalimutan anuman ang nangyari sa inyong dalawa.
Ang mahalaga, namulat ka na sa katotohanan at ito ay isang magandang aral sa iyo na sana ay hindi ka dapat kaagad magtiwala sa isang taong hindi mo ganap na kilala ang pagkatao at pamilya.
Hindi porke boyfriend mo na, sasama ka na sa kanya nang solo. Maraming nangyayaring hindi mo gusto kung solo kang sumasama sa isang lalaki. Ang ibig sabihin ng pagsama mo sa kanya, ipinagkakatiwala mo na sa kanya nang ganap ang iyong sarili.
Pero nangyari na ang hindi dapat at iyan ay hindi na maibabalik pang muli. Hindi na muling mabubuo ang nagkalamat nang kristal.
Makabubuting iwanan mo na lang siya kung hindi pa naman siya handang pangatawanan ang ginawa niya sa iyo. Ang ibig lang niyang sabihin ay wala siyang intensiyon na pakasalan ka dahil na nga sa pakiramdam moy hindi ka gusto ng kanyang pamilya.
Humanap ka na lang ng iba na mamahalin ka nang lubos anuman ang kalagayan mo sa buhay.
Huwag kang mawalan ng pag-asa dahil hindi pa naman huli ang lahat para mututo ka sa unang pagkakamali.
Dr. Love