Sinisiraan ako ng best friend ko sa bf ko

Dear Dr. Love,

Hi! Kumusta na po kayo? Isa po ako sa inyong mga tagasubaybay. Nais ko lang pong humingi ng payo sa inyo.

Ako po si Jessica, 15 years-old. Ang problema ko po ay ang best friend kong babae na siyang naninira sa akin sa boyfriend ko na dati rin niyang nobyo.

Dati pong boyfriend ng kaibigan kong babae ang nobyo ko pero madali lang ang relasyon nilang dalawa dahil nagkasira sila bunga ng hindi niya nagustuhan ang mga gawi nito tulad ng pagpapagabi sa lansangan.

Nakilala ko ang boyfriend ko nang tangkain ko noon na pagkasunduin sila dahil sa pakiusap ng kaibigan ko. Pero hindi na talaga nanumbalik ang pagmamahal niya sa kanya at sa halip, sa akin nabaling ang kanyang atensiyon.

Niligawan niya ako at nagustuhan ko naman siya. Dahil nahihiya ako sa best friend ko, ipinagtapat ko sa kanya ang sitwasyon. Pinayuhan naman niya akong sagutin ito kung mahal ko itong talaga dahil wala na raw naman silang relasyon.

Hanggang sa naging mag-on kami ng boyfriend ko. Pero nagkasira kami dahil sa kung anu-anong masasamang balitang nakakaabot sa boyfriend ko na nalaman kong kagagawan pala ng aking kaibigan.

Isang buwan kaming hindi nagpansinan pero noong nakaraang Nobyembre ay nagkabalikan ulit kami. Pero hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa paninira sa akin ang aking best friend kahit na hindi na namin siya pinakikialaman.

Payuhan po ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin.

Lubos na gumagalang,
Jessica


Dear Jessica,


Maaaring kinaiinggitan ka lang ng best friend mo kaya sinisiraan ka niya sa boyfriend mo. Mahal pa rin niya ang boyfriend mo at malaki marahil ang pagsisisi niya kung bakit sila nagkasira.

Dahil hindi na siya binalikan ng boyfriend mo, mas gugustuhin pa niyang magkasira din kayong dalawa para pareho na kayong hindi makinabang sa boyfriend mo.

Likas lang ang ganitong sitwasyon sa mga kabataang tulad ninyo. Kaya huwag mo nang pansinin ang paninira ng kaibigan mo dahil ang mahalaga, hindi naman naniniwala sa kanya ang boyfriend mo.

Pero napakabata mo pa para maging seryoso sa pakikipagnobyo. Bakit hindi mo muna pagbutihin ang pag-aaral para makatapos ka ng kolehiyo?

Payong parang magulang lang naman ito at nasasaiyo kung pakikinggan mo. Kapag sumapit ka na sa tamang gulang at nalampasan mo na ang pagiging teenager, mauunawaan mong ganap ang sinasabi ko.

Kaya maging maingat ka na lang sana sa sarili mo at unahin mo muna ang problemang pampaaralan bago ganap na iukol ang malaking pansin sa mga problema sa puso.

Dr. Love

Show comments