Tawagin na lamang ninyo akong Libra Girl. Sumulat po ako para humingi ng payo dahil sa pagkakasira naming magnobyo.
Nakilala ko siya sa pamamagitan ng isa sa mga barkada ko. Isang linggo siyang nanligaw sa akin at dahil na rin sa panunukso ng mga barkada ko, sinagot ko siya. Buwan noon ng Agosto. Tuwang-tuwa siya ng araw na iyon at iyon din ang hindi ko malilimutang araw sa buong buhay ko.
Ang saya namin noon. Lumalabas kami at nanonood ng sine. Kulang na lang ay magsama kami sa iisang bubong. Maraming dumating na mga problema pero nalampasan namin lahat iyon. Noong una ay hindi siya tanggap ng mga magulang ko pero dahil na rin sa kabaitang ipinakita niya sa aking pamilya ay unti-unti na siyang napamahal sa pamilya ko.
Noon ko lang naramdaman kung paano umibig. Gagawin mo pala talaga ang lahat para sa lalaking minamahal mo.
Noong una, lagi akong pumupunta sa pinagtatrabahuhan niya at tuwing Martes ay lagi kaming magkasama.
Pero nang tumagal na ang aming relasyon ay napansin kong hindi na kami nag-uusap. Kapag pumupunta ako sa trabaho niya ay hindi niya ako kinakausap at parang iniiwasan niya ako. Maski sa cellphone ay hindi niya sinasagot ang mga tawag ko.
Minsan, tumawag ako at nagkataong nandoon siya. Nag-usap kami at inamin niya na may third party na involved sa aming relasyon.
Umiyak ako. Hindi ko kayang mawala siya sa piling ko. Gusto ko nang magpakamatay ng mga araw na iyon. Hindi ako makakain, hindi makatulog at lagi akong tulala sa loob ng kuwarto ko. Akala ko ay siya ang lalaking makakasama ko habambuhay pero hindi pala. Pero hanggang ngayon ay mahal na mahal ko pa rin siya.
Hindi ko rin matanggap kung bakit niya ako ipinagpalit sa ibang babae samantalang lahat naman ng gusto niya ay ibinigay ko sa kanya.
Ano po ang dapat kong gawin? Magkakabalikan pa kaya kami?
Umaasa,
Libra Girl
Dear Libra Girl,
Talagang kung hindi para sa iyo, kahit na mahal na mahal mo pa ay makakawala ang lalaking minamahal mo.
Ito ay isang balintuna ng pag-ibig.
Maaaring nawala sa iyo ang mahal mo dahil sobra mo siyang mahal. Lahat ay ibinigay mo para siya mapaligaya kahit na hindi pa kayo kasal.
Isang linggo ka lang niyang niligawan at nakuha ka niya agad. Sa madaling sabi, hindi siya naghirap.
Ang hindi niya pagsagot sa telepono, ang pag-iwas niya sa pakikipag-usap sa iyo kung pumupunta ka sa trabaho niya ay mga indikasyon na nawalan na siya ng gana sa iyo. Ang dahilan ay may natagpuan na siyang iba na maaaring mas nakahihigit sa iyo ang pagtingin niya.
Ang nangyari sa iyo ay isang magandang aral para sa iyo at sa iba pang babae na sobra kung magmahal. Sana ay huwag mo na itong uulitin dahil kung minsan ang sobrang pagmamahal ay nakakasakal sa isang lalaki.
Dr. Love