Tapos lang po ako ng high school

Dear Dr. Love,

Kumusta na po kayo at ang buong staff ng PSN? Sumulat po ako para humingi ng advice sa problema ko.

Tawagin na lamang po ninyo akong Lady Apple, 20 years-old. Ang problema ko po ay tungkol sa boyfriend kong si Mr. E.S., 26 years-old at magtatapos sa kursong Electrical Engineering.

Sa kabila ng malaking agwat ng aming edad, mahal na mahal ko po siya at siya man daw ay ganoon din sa akin.

Sa kabila nito, ang aking inaalala ay ang maaaring maganap sa hinaharap dahil ako po ay tapos lang ng high school samantalang siya ay tapos ng kolehiyo.

Natatakot po akong pagdating ng panahon ay mayroon siyang maisumbat sa akin na hindi ko nais na mangyari sa akin pagdating ng panahon.

Bukod sa itinuturing kong malaking hadlang sa aming pagmamahalan ang agwat ng mga aming pinag-aralan, mayroon pa ring gumugulo sa aking isip. Siya po si Mr. C.G., isang manliligaw na taga-Naga.

Kahit alam niyang mayroon na akong nobyo, handa raw siyang maghintay kung kailan kami magkakalabuan ni Mr. E.S.

Dr. Love, ano po ang dapat kong gawin? Tulungan po ninyo ako.

Hanggang dito na lang po at thank you very much. God bless you.

Lubos na gumagalang,
Lady Apple ng Ligao, Albay



Dear Lady Apple,


Walang sapat na batayan ang pinangangambahan mong maaari kang sumbatan ng nobyo mo sa hinaharap dahil lang sa agwat ng inyong pinag-aralan.

Maaaring nasa isipan mo lang iyan kundi man, mayroon ka nang nakikitang mga hiwatig na hindi mo lang nabanggit sa liham mo.

Ang tapat na nagmamahal ay walang kinikilalang uri ng pamumuhay at antas ng pinag-aralan. Subali’t maaaring ikaw lang ang naaalangan dahil nga magtatapos na siya ng kolehiyo samantalang ikaw ay tapos lang ng high school.

Sa nakikita ko, maaaring kaya ka nagdadalawang-loob sa iyong nobyo ay dahil sa mayroon kang isang matapat na manliligaw na nagtitiyagang makuha ka sa sandaling magkalabuan kayo ng nobyo mo.

Kung sa ikawalang binata mas panatag ang kalooban mo at nararamdaman mong mas bagay kayong dalawa na magkatuluyan, hindi namin problema iyan. Ang kailangan mo lang ay magtapat sa nobyo mo at marahil ay mauunawaan ka naman niya.

Doon ka sa lugar na malaki ang tiwala mong higit kang liligaya.

Usisain mong mabuti ang damdamin mo at manalangin kang mabuti para magkaroon ka ng makatarungang desisyon.

Dr. Love

Show comments