My warmest greetings to you and all the staff members of PSN.
Isa po ako sa milyon ninyong mambabasa at hindi makukumpleto ang araw ko kung hindi nababasa ang column ninyo.
By the way, Im Ms. Leo, 18 years old, and a second year college student.
Actually, this is my second letter to you but the first one, which I sent you last July did not get the opportunity to be published.
Hindi na po bale dahil nagkaroon uli ako ng pagkakataong makasulat sa inyo dahil sa problema ko sa puso.
Isang taon na kaming mag-boyfriend ni Mr. Taurus.
Bagaman po siya ay mula sa isang broken family at tapos lang ng elementarya, lovable naman siya, sweet, mabait, understanding at very responsible.
Okay naman ang relationship namin at hanggang ngayon, magkasundung-magkasundo kami.
Ang problema ko po, ayaw ng aking parents sa aking boyfriend. Napaka-istrikto po nila sa akin.
Matagal ko na pong naipagtapat sa kanila ang tungkol sa amin ni Mr. Taurus pero wala naman silang sinabi kung ayaw nila o hindi sa kanya.
Kaya ang akala ko, okay siya sa kanila. Subalit kapag dumadalaw sa akin sa bahay ang bf ko, hindi nila ako pinalalabas at pinagsasalitaan pa nila ng masasakit ito.
Masakit para sa akin na marinig ang ganitong masasakit nilang sinasabi sa kanya kaya lang, hindi na ako kumikibo.
Ang gusto nila para sa akin ay ang ex-boyfriend ko na hindi ko naman makasundo dahil napakayabang at masyadong bilib sa kanyang sarili.
Kaibigan ng parents ko ang parents ng dati kong boyfriend.
Nagrerebelde ang loob ko kung bakit pinipilit nila ako sa lalaking hindi ko naman gusto.
Sa palagay po ba ninyo, may karapatan sila na diktahan ako kung sino ang lalaking mamahalin ko?
Kasi naman, ever since sa pagkabata ko, sila na ang laging nasusunod kahit nasasaktan ang aking loob.
Napakalaki po ng paggalang sa akin ng aking boyfriend kaya mahal na mahal ko po siya.
Sana po mapagpayuhan ninyo ako sa aking problema.
Gumagalang,
Ms. Leo
Dear Ms. Leo,
Ikinalulungkot ng pitak na ito ang hindi pagkakatanggap ng una mong liham. Pero dapat sanang pasensiyahan mo kung medyo naantala ito dahil lubhang marami ang aming backlog sa mail.
Likas na mayroon kang tampo sa mga magulang mo dahil ang palagay mo, ikaw lang ang hinihigpitan nila nang husto.
Hindi kaya mayroon na silang pagkakadala sa mga naunang karanasan ng ibang miyembro ng pamilya ninyo kaya ganyan na lang ang concern nila sa iyo?
Unawain mo rin na bilang mga magulang, ang isang ama at ina ay walang hangad sa kanilang mga anak kundi ang kanilang kabutihan.
Nais nilang pinakamahusay na lalaki ang mapakasalan ng kanilang anak kaya naman napanghihimasukan nila ang problema sa puso ng kanilang anak.
May trabaho ba ang boyfriend mo kahit hindi siya nakapag-aral sa kolehiyo? Maaaring nag-aalala rin ang mga magulang mo dahil produkto siya ng isang broken home.
Huwag mo sanang ipagtampo rin subalit sa tingin ko, dapat mo ring pag-ukulan ng pansin ang kinabukasan mo sa pagpili ng kakasamahin mo sa buhay.
Kung talagang ang kasalukuyan mong bf ang mahal mo, wala na akong masasabi pa. Pero bata ka pa naman at marami pang mahuhusay na lalaking makikilala mo sa sandaling makatapos ka na sa pag-aaral.
Ang pagbuhusan mo muna ng pansin ay ang pag-aaral at huwag mo na munang bigyan ng seryosong pansin ang pakikipag-ibigan.
Sana nga, hindi ka nagkakamali sa pagkilala mo sa kanya.
Dr. Love