Isa pong taos-pusong pagbati sa inyong lahat at sa popular ninyong column. Isa po akong masugid na mambabasa ng inyong column at labis po akong humahanga sa mga
advice ninyo. Kaya heto po ako at labis na umaasa na matutulungan ninyo ako sa aking problema. Sana huwag po ninyo akong bibiguin.
Ako po ay 23-taong gulang, single at ipinanganak noong Feb. 12, 1977. Mayroon po akong boyfriend, nandito rin siya sa probinsiya. Gusto po niya akong pakasalan.
Kaya lang, hindi ko po ipinagtatapat na may sakit ako. Gusto ko sanang mag-asawa dahil nasa tamang edad na ako at isa pa, ayaw kong mawala pa sa akin ang pinakamamahal kong bf.
Pero natatakot naman po ako na malaman ng aking bf na may sakit ako dahil baka iwanan niya ako. At ayaw ko rin naman na makahawa ako dahil nakakahawa raw ang sakit na ito.
Ano kaya ang gagawin ko? Sasabihin ko kaya sa kanya ito? At puwede ba akong mag-asawa nang hindi maaapektuhan ang magiging anak ko?
Mayroon po ba kayong alam na gamot sa Hepatitis B?
Hanggang dito na lang at sana po matugunan ninyo ang aking problema.
Laging umaasa at gumagalang,
Lonely Girl
Dear Lonely Girl,
Salamat sa liham mo at ganap kong naunawaan ang kasalukuyan mong problema.
Bago mo pa man sana tinanggap ang nobyo mo noon, dapat ay ipinagtapat mo na ang iyong karamdaman. Masasabing dinaya mo siya kung ipaglilihim mo ito sa kanya at saka pa lang niya ito matutuklasan sa sandaling kasal na kayo at lumala ang iyong karamdaman.
Makabubuting sumangguni ka muna sa isang mahusay na doktor at alamin mo sa kanya kung gumaling ka na sa dati mong karamdaman.
Sa isang manggagamot mo lang malalaman ang mga katanungan mong isinulat sa akin. Mahirap magbigay ng mga ispekulasyon lalo na kung may kinalaman ito sa kalusugan.
Hindi rin puwedeng magpayo ng gamot na dapat mong inumin dahil hindi pa beripikado ng column na ito kung ganyan nga ang iyong karamdaman.
Huwag ka nang manghinayang sa gagastusing salapi para magpatingin sa dalubhasang manggagamot dahil ang kapalit naman nito ay kapayapaan ng iyong damdamin.
Makabubuting ipagtapat mo ito sa iyong kasintahan sakalit makapagpatingin ka sa isang doktor.
Dr. Love