Dr. Love Monday Special: Inulilang asawa’t mga anak, may utang walang ipon

Abogado ang asawa kong si Dennis at ako naman ay isang architect. Tumigil ako sa pagtatrabaho nang dumating na ang mga anak namin. Kailangan ko kasing siguraduhing maayos ang pagpapalaki sa kanila.

Nang itayo ni Dennis ang sarili niyang kompanya, lalo na siyang naging abala. Kahit na gusto niyang maglaan ng mas maraming oras para sa amin lalo na sa mga bata ay hindi niya magawa-bagay na kanyang ikinalulungkot.

Bukod sa trabaho niya bilang isang abogado, marami pa siyang mga bagay na inaasikaso. Dahil na rin siguro dito, bigla na lang siyang nakakaramdam ng sakit sa dibdib. Minsan, hindi siya natutunawan ng pagkain kaya sumasakit talaga ang tiyan niya. Higit sa lahat, lalong tumataas ang presyon niya. Nang dumalas ang mga sintomas na ito, pinaalalahanan ko siyang magpasuri sa doktor. Pero lagi niyang sinasabi na wala siyang panahong magpatingin.

Isang umaga, sinabi niyang hindi siya makabangon at baka hindi na naman daw siya natunawan. Masakit din ang kanyang dibdib. Kaya naman imbes na siya ang maghatid sa mga bata sa eskuwela, ako na lang ang naghatid sa kanila. Hindi naman ako naaalarma dahil parang karaniwan na yung mga nararamdaman niya. Pero pagkahatid ko sa mga bata, tinawagan ako ni Dennis at madali niya akong pinauuwi.

Hindi ko maintindihan ang itsura niya nang madatnan ko siya sa kuwarto namin. Kulay abo na ang kanyang mukha at hirap siyang kumilos. Pero hanga pa rin ako sa kanya dahil kahit masamang-masama na ang pakiramdam niya, nakuha pa niyang tumawag ng ambulansiya. Naisugod namin si Dennis sa ospital at nalaman namin na nasa first stage na siya ng atake sa puso. Kailangan siyang ilagay sa ICU pero hindi iyon magagawa hangga’t walang deposito kaya inasikaso ko pa iyon.

Kalmado si Dennis kahit na nang mga oras na iyon. Sa katunayan, itinuturo pa niya sa mga attendant kung ano ang mga dapat nilang gawin sa kanya. Ako naman ay patuloy lang sa pagdarasal. Tinatanong ko ang Diyos kung ano ang susunod kong dapat gawin. Kinabukasan, namatay na si Dennis.

Yung araw pagkatapos na mamatay si Dennis, umuwi ako sa bahay namin at mag-isa ako sa kuwarto namin. Tinanong ko ang Diyos. Ano ba itong malaking kawalan na nararamdaman ko sa kalooban ko? Paano na ang mga bata? Sino ang magpapaaral sa kanila? Kasi kahit may sariling kompanya si Dennis, may utang din kami sa banko at wala kaming ipon. Paano na ang pambayad sa bahay? Paano na ang kinabukasan naming mag-iina?

Sinagot ako ng Diyos. Sabi Niya, "Wenna, hindi ba’t inalagaan na kita noon? Hindi mo ba naisip na kaya kitang alagaan ngayon? Aalagaan ko ang mga anak mo." Mula noon, nagkaroon ako ng lakas mula sa Diyos at pinagpala Niya ako. May mga taong sumagot sa mga bayarin sa libing, bayad sa bahay, pati na ang pag-aaral ng mga bata. Nabayaran din namin ang utang namin sa banko at nagkaroon pa kami ng kotse. Binigyan Niya ako ng mga tamang salita para ipaliwanag sa mga anak ko kung bakit wala na ang ama nila. Wala akong masabi sa Panginoon. Basta magtiwala ka sa Kanya, tutugunin Niya ang mga pangangailangan mo. - Rowena

(Kung nais mong mapanood ang mga kuwento ng tagumpay na tulad nito, panoorin ang THE 700 CLUB tuwing Miyerkules ng hatinggabi at tuwing Linggo, 7:30 ng umaga sa GMA-7. Puwede ring tumawag sa THE 700 CLUB Counselling Center sa 810-7717 o 810-7176. Bukas ito nang 24 oras. Sa mga nasa probinsiya, puwedeng gamitin ang PLDT line na 1-800-1-888-8700 (libre at wala nang operator) o sumulat sa P.O. Box 37, Greenhills, 1502 San Juan, Metro Manila).

Show comments