Isa po ako sa masusugid ninyong tagasubaybay at nais ko pong mapabilang sa mga taong mabibigyan ninyo ng payo.
Itago na lamang ninyo ako sa pangalang "Ms. D" at ang boyfriend ko ay tawagin na lamang nating "Mr. Yoso." One year and 4 months na ang relasyon namin pero maraming sakit at hirap ang naramdaman ko sa piling niya. Unang-una na rito ay nang malaman ko (dahil nagtapat siya) na bukod sa akin ay mayroon pa siyang ibang mahal. Parang sasabog ang aking kalooban nang malaman ko na dalawa kami sa puso niya.
Sinabi ko sa kanyang itigil na lamang namin ang aming relasyon dahil ayokong may kahati sa kanyang pagmamahal. Pero ang sabi niya, kung mayroon daw dapat mawala, hindi raw ako iyon kaya tinanggap ko siyang muli at pinaniwalaan.
Ngunit ang ipinagtataka ko ay mahal niya ako pero nagagawa niyang maghanap ng iba. Hindi ko po alam kung tanga ako o nagtatanga-tangahan lang sa mga pangyayari.
Ayaw ko po ng ganitong sitwasyon pero hindi ko siya kayang iwan dahil mahal na mahal ko po siya. Ano po ang dapat kong gawin? Naguguluhan po ako sa aming relasyon.
Sana po ay matulungan ninyo ako at umaasa ako sa inyong payo.
Ms. D
Dear Ms. D,
Minsan ay binubulag tayo ng sobrang pag-ibig. Pero hindi dapat mangyari ito. Isa lang ang dapat piliin ng boyfriend mong two-timer. Pero paano kung ang kahati mo sa kanyang puso ay asawa niya?
Palagay ko, panahon na para imulat mo ang iyong mga mata. Akala mo lang na siya at wala nang iba ang puwede mong ibigin. Maling akala.
Open your eyes at marami riyan ang nakahihigit sa kanya.
Dr. Love