Ang problema ko po ay tungkol sa dalawa kong nililigawan. Ang una kong nililigawan ay tawagin na lamang nating si Lyn at ang pangalawa ay si Mhel.
Dalawang buwan ko nang nililigawan si Lyn nang bastedin niya ako dahil mas matanda siya sa akin ng isang taon. Wala akong nagawa sa desisyon niya. Si Mhel naman ay mabait at maalalahanin. Magkasundung-magkasundo kami at akala ko nga ay kami na ang magkakatuluyan pero hindi pala dahil noong May ay nagpaalam siyang uuwi sa kanilang probinsiya. Pumayag naman ako dahil may tiwala ako sa kanya. Sa katunayan ay binigyan ko pa siya ng pamasahe.
Pagkalipas ng isang linggo ay nalaman ko na lamang sa kanyang kapatid na nag-asawa na ito. Napakasakit para sa akin ng nangyari at pakiramdam ko ay niloko niya ako.
Makakatagpo pa kaya ako ng tulad niya? Sana ay matulungan mo ako sa aking problema.
Gumagalang,
Virgo Boy
Dear Virgo Boy,
Tinatanong mo ako kung makakatagpo ka pa ng tulad niya? Sagot koy hindi dahil tulad mo, nag-iisa lang siya sa mundong ito.
Ngunit ang tinitiyak ko, makakatagpo ka rin ng higit pa sa kanya kung magtitiyaga ka at hindi mo ipapako ang iyong isip may Mhel.
Kalimutan mo na siya kung nag-asawa na siya at ang hanapin moy isang dalagang puwedeng pakasalan pagdating ng tamang panahon.
Dr. Love