Isa po ako sa libu-libong sumusubaybay sa inyong column. Sa araw-araw kong pagbabasa ng inyong column marami akong natutuhan. Hindi ko akalain na isa ako sa mga susulat sa inyo para humingi ng advice.
Tawagin na lang po ninyo akong Robert A., 21-anyos. Kinse-anyos pa lang po ako mayroon na akong syota. Siya po ay si Miss Lorna A., 18-anyos. Alam mo, kahit na may tatlong taong pagitan sa edad namin mahal naming dalawa ang bawat isa.
Nagkaroon lang ako ng problema nang makilala ko si Miss L.T., 20 anyos, na naging malapit kong kaibigan. Alam ito ng siyota ko at hindi siya nagseselos dahil alam niyang parang magkapatid lang ang aming pagtitinginan at alam niyang tutuparin ko ang pangakong siya lang ang mamahalin.
Subalit dumating ang puntong iba na ang naramdaman ko sa close friend ko. Sinabi ko sa ilang mga kaibigan ko ang nararamdaman kong ito para kay L.T. at nakarating ito sa kanya.
Payag naman daw siyang mahalin ako kahit na pangalawa lang siya sa buhay ko. Pero hindi ko ito maipagtapat nang personal sa kanya at parang naaalangan ako. Isa pa hindi ko malimutan ang pangako sa aking unang girlfriend.
Ano po ba ang gagawin ko? Mahal ko ang girlfriend ko pero mahal ko rin ang close friend kong si L.T.
Sa ngayon, lumayo ako at nagtatrabaho sa Aklan para makaiwas sa maaaring mangyari kung hindi ako lalayo sa kanilang dalawa.
Sanay matulungan ninyo ako sa aking problema.
God bless you and more power.
Robert A. ng South Cotabato
Dear Robert A.,
Talagang hindi maganda kung pagsasabayin mo ang pagmamahal sa dalawang babae. Makabubuti nga ang paglayo mo muna para mapag-aralang mabuti ang sarili kung sino sa kanilang dalawa ang higit mong mahal. Kaya nga lang, baka naman sa tinagal-tagal ng panahon may makilala ka uling iba at magkaroon ka uli ng problema.
Bata ka pa kasi. Baka naman ang paghanga mo sa isang babae ay naipagkakamali mo sa pag-ibig?
Bakit hindi mo kaya ipagtapat sa girlfriend mo ang problema mo? Makikita mo ngayon kung sino sa kanilang dalawa ang higit na marunong magbigay.
Itong kaibigan mo, alam naman niyang mayroon ka nang girlfriend pero hindi takot na makipagsapalaran. Kaya niyang maging pangalawa mo lang na mahal sa buhay. Totoo kaya iyan?
Kawawa naman ang unang girlfriend mo na walang kamalay-malay sa pagdududa mo sa sariling damdamin. Hindi rin magiging makatarungan para sa kanya na paaasahin mo na siya lang ang mahal mo gayong dalawa pala sila sa iyong buhay. Mamili ka ng isa lang.
Dr. Love