Dapat nang makipag-break

Dear Dr. Love,

Hi! Isa pong magandang araw sa inyo at sa staff ng PSN. Araw-araw akong sumusubaybay sa column ninyo.

Tawagin na lamang ninyo akong Lyn, 22 years-old at tubong Mindanao. May boyfriend po ako sa probinsiya na tawagin na lamang nating Mr. Will, 23 years-old at kapitbahay namin. Before na naging kami, ka-on niya ang pinsan ko. Noong hindi pa kami ni Mr. Will, sinabi niya sa akin na sana ay hiwalayan na siya ng pinsan ko. Sinabi ko naman ito sa aking pinsan at ang ginawa nito ay nakipag-break kay Mr. Will. Kahit na girlfriend niya ang pinsan ko ay nanliligaw siya sa akin pero hindi ko siya pinapansin dahil nga girlfriend niya ang pinsan ko. Isa pa ay hindi pa ako handang makipagrelasyon.

Pagkatapos nilang maghiwalay, sinagot ko siya at after three days ay umalis ako sa lugar namin at nandito ako ngayon sa Meycauayan, Bulacan at nagtatrabaho. Bago ito , ang ate ko at kuya niya ay mag-syota pero nagkahiwalay dahil ayaw ng mga magulang nung lalaki sa ate ko. Iniisip ko na baka ganoon din ang mangyari sa aming relasyon. Isa pa, nabalitaan ko na girlfriend din pala niya ang kaibigan ko.

Tama po bang makipag-break na lang ako sa kanya?

Lubos na gumagalang,
Lyn ng Meycauayan, Bulacan



Dear Lyn,


Hindi mo dapat inaaksaya ang oras mo sa ganyang klaseng lalaki. Sabi mo, wala ka namang nararamdaman sa kanya kundi awa lang so ano pa ang hinihintay mo? Makipag-break ka na dahil napaka-playboy pala ng lalaking iyan. Hindi siya maaaring mapagkatiwalaan lalo na at malayo ka sa kanya.

Marami pang lalaki diyan na higit na matapat kaysa sa kanya at siyang nararapat sa iyo. Maghintay ka lamang at darating din iyan.

Dr. Love

Show comments