Kailangan kita

Dear Dr. Love,

Isa pong magandang araw sa inyo at sa inyong mga kasamahan sa PSN.

Nilakasan ko po ang aking loob na lumiham sa inyo para maidulog ang kasalukuyan kong problema para mabigyan ninyo ng kaukulang payo.

Ako po ay hiwalay sa asawa at kasalukuyang nagtatrabaho dito sa Metro Manila. Ang akin naman pong hiniwalayang maybahay ay nasa ibang bansa at doon nagtatrabaho bilang isang domestic helper.

Ang amin pong kaisaisang anak ay nasa aking poder at nasa pangangalaga naman siya ng aking ina sa probinsya.

Masasabing hindi pagkakaunawaan ang dahilan ng paghihiwalay naming mag-asawa. Ito po ay ang pagtutol ko sa kanyang pag-alis para magtrabaho sa Hong Kong gayong ang sarili niyang pamilya ay tinalikuran niya kapalit ng kaunting kikitain niya doon.

Bagaman hindi naman masasabing mataas ang aking kita sa pinagtatrabahuhan kong pabrika, hindi naman ito masyadong maliit para hindi matugunan ang pangangailangan ng aking pamilya. Kasi kahit nagtatrabaho ako sa pabrika, sa panahon ng aking day-off ay namamasada naman ako ng taxi bilang dagdag sa kita ko.

Kaya hindi ko alam kung bakit minabuti pa ng aking misis na umalis kahit ayaw na ayaw ko sa pangambang mapabayaan ang aming anak.

Subali’t nagpilit pa rin siya at iyon na ang pinagmulan ng aming paghihiwalay.

Mahal ko po ang aking asawa subali’t tinikis niyang hindi makipagkita sa akin sa loob ng limang taon. Ang amin namang anak ay binibisita niya kung umuuwi siya na itinataon niyang wala ako sa bahay.

Inuudyukan ako ng aking ina na makipagbalikan na sa aking asawa subali’t sinisikil ko ang aking sarili kahit alam kong kailangan ko siya bilang asawa at ina ng aming anak.

Ano po ba ang mabuti kong gawin?

Sumasainyo,

Jun


Dear Jun,


Huwag mo nang tikisin ang iyong asawa alang-alang sa inyong anak. Bagaman apektado ka rin ng paghihiwalay ninyo, higit sa lahat ang latay nito sa inyong supling.

Sumulat kasa kanya. Ipabatid mo ang nais mong mangyari. Marahil, nasaktan lang ang pride mo sa pagsisikap ng iyong asawang kumita para naman sa kinabukasan ng inyong pamilya.

Maaaring pagkalipas ng limang taon, naunawaan na rin ng iyong asawa ang bunga ng paghihiwalay ninyong dalawa.

Mas makabubuting ligawan mo uli si misis para magkabalikan kayong dalawa. Huwag mo nang patagalin bago mahuli ang lahat.

Dr. Love

Show comments