Huli na nang matuklasan

Dear Dr. Love,

Isa pong masaganang pangungumusta sa inyo at sa iba pa ninyong kasamahan sa PSN.

Nangyari pong sumulat ako sa inyo para idulog ang aking problema sa puso. Matagal ko na po itong balak ikonsulta sa inyo dangan nga lamang po at nauunahan ako ng hiya.

Dr. Love, nagdadalantao po ako sa kasalukuyan. Nang ipagtapat ko ang problema sa aking nobyo ay nagtapat din siya na may pananagutan na siya sa buhay kaya hindi niya mapapanagutan ang aking kalagayan.

Walang-wala po sa isip ko na lalala ang problema ko. Huli na rin po ang pagsisisi sa sobra kong pagtitiwala sa aking kasintahan.

Kinamumuhian ko siya. At ang hindi ko pa ma-take ay ang dahilan niya na hindi ko naman daw inalam ang tunay niyang estado sa buhay. Para bang ako ang siyang may kagustuhan sa nangyari sa akin.

Inalok naman niya ako ng pera para ipalaglag ko ang bata. Litung-lito po ako ngayon. Dapat ko bang tanggapin ang alok niyang tulong at saka na ako magbagong-buhay?

Inaasahan ko po ang daglian ninyong pagtugon sa problema ko.

Gumagalang,
Celia



Dear Celia,


Isang kamalian na tatakpan ng isa pang higit na malaking kamakalian.

Iyan ang suma tutal ng problema mo.

Alam mo hija, hindi mo dapat na inilalagay sa mga kamay mo ang katarungan. Dahil sa iyong kamalian na hindi mo maaming kagagawan mo, ang supling na bunga ng pagkakamali mo ay nais mong patayin para mapagtakpan ang mali mong ito sa mga mata ng tao.

Paano naman kaya ang pananagutan mo sa Diyos? Hindi ba mas malaking kamalian ang gagawin mo kung ilalaglag mo ang buhay na dinadala mo sa sinapupunan?

Kung hindi mapananagutan ng nobyo mo ang nangyari sa iyo, itakwil mo siya. Hindi siya isang karapat-dapat na ama ng sanggol na dinadala mo.

Kalimutan mo na, anuman ang pait, ng pangyayaring naganap sa buhay mo at buhayin mo ang sanggol na kaloob sa iyo ng Diyos na magsisilbing tagapaggunita sa iyo ng isang bagong buhay.

Humingi ka ng tulong sa iyong mga magulang sa kasalukuyan mong problema. Sila ang higit na makakadamay sa iyo.

Manalangin ka palagi para gabayan ka ng Maykapal sa problema mo ngayon at sa mga haharapin mo pang problema sa buhay.

Dr. Love

Show comments