Inaagaw ang kanyang mahal

Dear Dr. Love,

Una sa lahat, hayaan muna ninyong batiin ko kayo diyan sa PSN sampu ng inyong staff. Gusto ko pong ibahagi sa inyong mga tagasubaybay ang aking problema. Isa po akong estudyante sa Palawan National High School. Fourth year na po ako at ang aking girlfriend ay isang out-of-school youth. Tawagin na lang natin siyang Ms. Leo.

Hindi ko akalain na mangyayari ito sa amin pagkaraan ng walong taon. Minsang umuwi siya sa kanilang bahay, laking gulat niya nang mamanhikan ang lalaking may gusto sa kanya kasama ang mga magulang nito. Hindi makapaniwala ang aking girlfriend. Hindi niya maatim na magpakasal sa lalaking hindi naman niya mahal at ni hindi niya boyfriend.

Itatanong ko sana kung may karapatan siyang tumanggi kahit gusto ito ng nanay at tatay niya. Mahal na mahal ko po ang aking girlfriend at hindi ko kayang mawala siya sa akin.

Hanggang dito na lang po at maraming salamat.

Gumagalang,
Felipe


Dear Felipe,

May karapatan siyang mangatwiran at ipaunawa sa kanyang mga magulang na hindi niya mahal ang lalaking ipinipilit ipakasal sa kanya.

At sana, iiral ang wastong rason sa kanyang mga magulang–na nakataya ang kaligayahan ng kanilang anak kaya’t hindi ito dapat piliting magpakasal sa lalaking di niya gusto.

Pero kailangang manindigan ang iyong kasintahan sa kanyang pagtutol sa kagustuhan ng kanyang mga magulang.

Kung siya’y menor-de-edad pa, maaaring ito ang gawing dahilan ng mga magulang niya para pilitin siyang magpakasal sa lalaking napupusuan nila.

Pero kung magmatigas siya, walang magagawa ang kanyang mga magulang.

Dr. Love

Show comments