Love & Text

Dear Dr. Love,

Hi to you and all the staff of PSN. Just call me Miss Cancer, 18 years-old. Nagkaroon po ako ng textmate at naging boyfriend ko siya. Ang problema po ay malayo kami sa isa’t isa. Siya ay taga-Aklan. Tawagin na lang natin siyang Mr. 20. Nag-aaral po siya ng Automotive. Magdadalawang-buwan na po kami. Ang tanging ugnayan namin ay sa pamamagitan ng text messaging.

Gusto ko pong malaman kung seryoso siya sa akin. May tiwala po ako sa kanya at ang hinihintay ko ngayon ay ang magkita kami sa December dahil magbabakasyon daw siya dito sa Maynila. May sulat po siya sa akin pero walang picture na kasama. Sinagot ko po ang sulat niya together with my picture. Napamahal na po siya sa akin. One time, he told me that he would stop texting me and I don’t know why. Napaiyak ako because I fell in love with him na.

Dr. Love, may pag-asa ba akong makita siya nang personal? Sa ngayon po ay mayroon akong suitor na mabait at mapagkakatiwalaan pero wala akong feelings sa kanya.

Sana po ay matulungan ninyo ako sa aking problema. Hanggang dito na lang po. God bless and more power.

Lubos na nagpapasalamat,

Miss Cancer of Bulacan


Dear Miss Cancer of Bulacan,


Bago mo ibigin ang isang tao, dapat mo muna siyang makilala nang personal. Hindi mo makikilatis ang karakter ng isang tao sa pakikipagsulatan, text o kaya’y tawag sa telepono.

Kung hindi mo pa nakikita in person ang taong akala mo’y mahal mo, posibleng napakataas ng expectation mo sa kanyang pisikal na anyo at ugali.

Paano kung sa pagkikita ninyo’y hindi pala siya katulad ng inaasahan mo? Kaya huwag kang umasa sa nadarama mo at nakikita sa imahinasyon.

Marami naman siguro ang mga lalaking nakakasalamuha mo rin in person. Sa kanila ka makipagkaibigan at baka isa sa kanila ang magiging kapalaran mo.

Dr. Love

Show comments