Magandang araw po sa inyo. Tawagin na lamang ninyo akong Miss Taurus, isang teenager. Sumulat po ako dahil gusto kong humingi ng advice.
Mayroon po akong crush pero siya ay kamag-anak namin. Minsan ay nagkausap kami at sinabi niya na may gusto daw siya sa akin. Sinabi ko rin sa kanya na may gusto ako sa kanya. Hindi nagtagal, nanligaw siya sa akin at tinanggap ko naman ang kanyang pag-ibig. Tinanong ko siya kung natatakot ba siya gayong magkamag-anak kami at magkasintahan. "Hindi raw," sabi niya dahil nagmamahalan naman kami. Tinanong niya ako kung natatakot ako at ang sagot ko ay "hindi ko alam."
Pero sa totoo lang, Dr. Love, ay natatakot ako dahil baka malaman ng aking pamilya na magsyota kami gayong magkamag-anak kami. Malayo naman ang pagiging magkamag-anak namin dahil ang kanyang ina ay kapareho ng apelyido ng ina ng aking lola.
Dr. Love, mahal na mahal ko siya at nagmamahalan kaming dalawa. Ayaw kong magkalayo kami at gusto kong kami ang magkatuluyan. Ano ang aking gagawin para hindi kami magkalayo o para hindi malaman ng aking mga magulang ang aming relasyon?
Sana po ay masagot ninyo ang aking mga tanong at mabigyan ninyo ako ng advice.
Ms. Taurus
Dear Ms. Taurus,
Kung talagang malayo na ang inyong pagiging magkamag-anak ng boyfriend mo, palaga’y ko’y walang masama sa inyong relasyon.
Pero kayo ba ay handa na sa isang seryosong relasyon? Kung hindi, aral muna ang atupagin ninyo para maging matatag ang inyong future. Iyan ay kung desidido kayo sa isa’t isa.
Sa edad ninyo ngayon, posibleng magbago pa ang inyong feelings.
Gayundin, alamin mo sa iyong magulang ang agwat ng inyong pagiging magkamag-anak. Walang masama kung ikokonsulta mo ang iyong problema sa iyong mga magulang na higit na makakatulong sa inyo.
Dr. Love