Problema ni Ramir

Dear Dr. Love,

May God bless you always and all the staff of PSN.

Alam po ninyo, Dr. Love, ang bawat liham sa inyo at payong ibinibigay ninyo ay ibinabase ko sa aking nagdaan at kasalukuyang problema sa pag-ibig.

Tunay na maganda ang inyong mga payo. Tawagin na lamang ninyo akong Ramir, 24 years-old ng Bacoor, Cavite. Ang problema ko po ay tungkol sa aking girlfriend na si Cheryll. Nakilala ko po siya nang mag-home study sila sa aming bahay. Classmate siya ng kapatid ko. Ewan ko ba, Dr. Love, naramdaman na lamang namin na gusto namin ang isa’t isa. Ni walang courtship na nangyari. Hindi ko po alam kung seryoso siya sa akin. May boyfriend po siya sa Batangas at matagal na silang mag-on. After her graduation noong April 26, nagbakasyon siya sa Batangas. Posible po bang magkabalikan sila ng boyfriend niya?

Dr. Love, mahal na mahal ko po si Cheryll. Minsang umuwi siya para samahan ang kapatid niyang mag-enrol, hindi niya ako tinawagan.

Mahal pa ba niya ako, Dr. Love? Baka po nabigla lang siya at hindi naman niya ako talaga mahal. Mahirap itong tanggapin dahil mahal na mahal ko po siya. Maraming beses na akong nabigo at nasaktan.

Payuhan po ninyo ako. Marami pong salamat.

Gumagalang,
Ramir of Bacoor


Dear Ramir,


Mabigat ang tanong mo. Kung mahal ka ni Cheryll o hindi ay isang bagay na siya lang ang nakakaalam.

At kung mahal mo siyang tunay, sikapin mong makaugnay siya upang malaman mo mula sa kanyang mga labi kung ano ang katatayuan mo sa kanyang puso.

Natitiyak ko na kung mahal ka niya, siya mismo ay makikipag-ugnayan sa iyo dahil may namagitan na rin sa inyo.

Sakaling wala ka nang marinig na balita mula sa kanya, isa lang ang kahulugan niyan. Dapat mo siyang limutin dahil hindi ka niya mahal.

Huwag mo siyang gawing sentro ng buhay mo dahil sa iyong paligid, marami pang ibang babae na naghihintay lamang na ligawan mo.

Dr. Love

Show comments