Kapirasong mundo

Dear Dr. Love,

Una’y hayaan n’yo munang batiin ko kayo ng isang magandang araw. Tawagin na lamang ninyo akong Mr. Gemini, 31 years-old. Matagal ko na ring gustong sumulat sa inyo dahil nalalaman ko na ang bawat payo ninyo ay tama at angkop sa panahon.

Dati po akong security guard. Matapat at buong tiyaga kong ginampanan ang trabaho kong ito. Pero hindi ko po akalain na ang katapatan kong ito ang magiging dahilan para ako’y mabilanggo na halos umubos ng malaking bahagi ng buhay ko dito sa loob ng kulungan.

Nadestino ako sa isang cable wire company sa Cainta. Dahil sa aking trabaho, alam ko ang lahat ng mga ipinapasok at inilalabas na mga cable. Parang tukso na isa sa mga katiwala ng may-ari ang lumapit sa akin at inalok ako ng suhol para payagang maipuslit ang mga mahahalagang gamit sa loob. Hindi ko po ito pinayagan dahil mahal ko po ang trabaho ko. Pero pinagbantaan niya ako at pinagsabihang lahat ay kanyang gagawin para masira ako sa aking trabaho. Isinumbong ko ang bagay na ito sa management. Pero hindi ako pinaniwalaan ng may-ari ng pabrika at sa halip ay nabaligtad ang mga pangyayari. Ang naging batayan nila ay ang tagal ng serbisyo sa kanila ng kanilang katiwala samantalang ako ay halos wala pang dalawang taon. Idinemanda ako ng management at wala akong nagawa dahil sa aking kahirapan sa buhay. Doon nagsimula ang ibayong sakit ng kalooban ko. Dagdag pa rito ay ang hindi pagdamay at pag-unawa sa akin ng mga taong inaasahan kong dadamay sa akin. Kinalimutan na ata ako ng aking mga mahal sa buhay.

Sana po’y matulungan ninyo ako at pagpayuhan dahil sa labis na kalungkutan na dinaranas ko dito sa loob. Sa mga nais na makipagkaibigan sa akin, naririto ang aking pangalan at address.

Maraming salamat.

Gumagalang,
Efren Buendia

Dorm 13-A, B.O.C.
Muntinlupa City 1776


Dear Efren,


Mapagbiro kung minsan ang tadhana. Ang payo ko’y magpakabuti ka diyan sa loob para mapaaga ang iyong paglaya.

Huwag kang makalilimot manalangin dahil sa kalagayan mo ngayon, batid kong mas malapit sa iyo ang Diyos.

Marami akong kaibigan tulad ni Butch Belgica na maraming taon ang ginugol sa loob nguni’t ito’y nagsilbing blessing dahil doon nila nakilala ang Panginoong Hesus.

Magbulay ka sa Kanyang mga salita at ikaw ay Kanyang papatnubayan.

Dr. Love

Show comments