Huwag mo akong balikan

Dear Dr. Love,

Hello! Warm greetings to you.

Huwag po kayong maniniwalang puro English ang susulatin ko sa inyo. Hanggang greetings lang po iyan at siyempre bilang isang makabayan, sa wikang pambansa ko ilalahad ang aking problema na idudulog sa inyo.

Isa pong foreigner ang aking nobyo. Nagkakilala kami dito sa ating bansa nang sumama siya sa isang tourism tour. Kabilang ako sa mga nagsilbing guide ng kanilang grupo sa pagbisita sa magagandang pook liwaliwan sa bansa.

Pagkakilala pa lang namin sa isa’t isa ay parehong magaan ang loob namin. Kaya masaya ako nang buong isang linggong kasama ko siya sa pamamasyal.

Mabilis si Allan. Wala nang pakiyeme pang panliligaw kundi halik agad at yakap ang ginawa niya kaya ako naman, excited sa bagong suitor.

Pagbalik niya sa kanyang bansa, panay ang sulatan namin sa isa’t isa. Hanggang sa ipagtapat niya sa akin na mayroon siyang ka-live-in. Gusto raw niya na bumalik sa bansa sometime next year kaya nga lang, kasama niya ang kanyang girlfriend.

Nasaktan ba ako? Of course naman. Nagsayang pa ako ng papel at selyo sa kasusulat sa isang lalaking hindi naman pala seryoso ang intensyon.

Ang sabi ng mga friends ko, hindi ko dapat na pinabayaang tamaan ako nang husto kay Allan dahil unang-una, hindi pa kami masyadong magkakilala at pangalawa, ang akala niya ay bahagi pa ng pakete ng tourism tour ang pakikipagrelasyon sa akin.

Ang sabi ni Allan, dadalawin niya ako. For friendship na lang daw naman ang pagsasama nila ng kanyang ka-live-in bukod sa ito ang mamamasahe sa kanya.

Subalit pinagsabihan ko siyang huwag na akong hanapin dahil nagbago na rin ang pagtingin ko sa kanya.

Harapin ko kaya siya sa sandaling bumalik siya rito sa bansa?

Hangad ko po ang daglian ninyong kasagutan sa liham na ito.

Donna


Dear Donna,


Huwag kang seryosong umasa sa ganitong mga pangako. Kung pakikipagkaibigan lang ang pakay niya sa iyo, well, nasa iyo yan kung nais mong lumawig pa ang pagkakaibigan ninyo.

Wala namang masama kung makikipagkaibigan ka sa isang dayuhan subalit iwasan mong i-entertain sa isip mo na kayo na nga ang magkakatuluyan.

Unang-una, magkalayo kayo at pangalawa pa nga, mayroon siyang ka-live-in.

Subalit kung talagang tinamaan din siya sa iyo, hayaan mo na lang na ang panahon ang humatol kung talagang kayo ay para sa isa’t isa.

Dr. Love

Show comments