Lumayo sa boyfriend dahil sa magulang

Dear Dr. Love,

Hello! Kumusta po kayo? Isa po ako sa mga tagasubaybay at tagahanga ng pitak ninyo sa PSN.

Tawagin na lang po ninyo ako sa pangalang Rica, taga-Zarraga, Iloilo. Mayroon po akong boyfriend na tawagin na lang ninyong Bobbie. Siya po ay taga-Bacolod at nagtatrabaho sa Iloilo kaya nagkaroon kami ng pagkakataong magkita at nagkaibigan.

Bago pa dumating sa buhay ko si Bobbie, mayroon akong unang naging kasintahan at siya ay ang kapatid ng bayaw ko. Mabait po siya at maalalahanin kaya iyan siguro ang dahilan kung bakit siya naging close sa mga parents ko. Ang hindi ko lang nagustuhan sa kanya ay ang sobrang pagkamahiyain.

Ang katunayan nga, nag-propose na siya ng marriage sa akin pero tinanggihan ko at mula noon ay hindi na ako nakipag-usap sa kanya hanggang sa magkahiwalay kami nang walang formal break-up.

Pagkatapos ng maraming araw, nakilala ko naman si Bobbie. Mabait din siya at mahigit na tatlong taon ang tanda ng edad niya sa akin. Ako po ngayon ay 23 years old.

Ang problema po, mabigat ang dugo ng parents ko kay Bobbie. Nahahalata ko po ito kung pumupunta siya sa aming bahay para dumalaw.

Dr. Love, mahal ko po si Bobbie pero mas mahal at priority ko pa rin ang pamilya ko. Kaya naisipan kong umalis sa amin at pumunta dito sa Maynila para magtrabaho. Masakit ang loob ko sa hindi pagpapaalam sa kanya dahil hindi ko naman gustong makita na nasasaktan siya. May tatlong buwan na ako rito pero hanggang ngayon ay wala pa siyang sulat sa akin.

Sa palagay po kaya ninyo, mahal pa ako ni Bobbie? Makakatuluyan ko po kaya siya?

Hindi ko rin po alam kung mahal pa rin ako ng first boyfriend ko dahil ang sabi ng iba, may pag-asa pa kaming magkabalikan.

Kailangan ko po ang payo ninyo at nais ko rin pong magkaroon ng maraming kaibigan sa panulat.

Lubos na gumagalang,
Rica ng Cavite


Dear Rica,


Base sa pagkaunawa ko, lumayo ka sa inyo para mapagbigyan mo ang mga magulang mo na umaayaw sa boyfriend mo na si Bobbie. Ngayon, hinihintay mong sulatan ka nito gayong ni hindi ka man lang nagpaalam sa kanya para ipagbigay-alam ang desisyon.

Hindi mo dapat na asahang tatanggap ka ng sulat sa kanya kung hindi ka naman lumiliham sa kanya para magpaliwanag.

Sikapin mong makapagpaliwanag sa kanya. Ikaw lang ang tanging nakakaalam kung ano ang damdamin mo para sa kanya sa ngayon.

Kung ang pakay mo ay kalimutan siya dahil ayaw kay Bobbie ng iyong mga magulang na sinusunod mo naman, huwag mo nang dagdagan pa ang sakit ng ulo mo. Kinalasan mo na nga ang unang boyfriend mo nang walang pormal na usapan itinatanong mo pa kung puwede pa kayong magkabalikan.

Magulo iha ang isip mo. Alamin mo talaga kung sino ang gusto mo sa kanila bago mo pagpasyahan kung sino sa kanilang dalawa ang susulatan mo.

Subukan mo ring makipagkilala sa iba para mabatid mo ang sarili.

Dr. Love


(Para sa nagnanais na makipagkaibigan kay Rica, ang tunay niyang pangalan ay Gina S. Portes, Blk. 38 Lot 9 Amsterman St., Summer Wind Village IV, Dasmariñas, Cavite 4114)

Show comments