Isang masaganang pagbati sa iyo at sana masaya ka kasama ang iyong pamilya.
Dr. Love, hindi ko po alam ang gagawin ko ngayon kasi gusto ng parents ko na mag-pari ako na labag naman sa aking kagustuhan.
Ang sabi ko sa kanila, maraming paraan para mapagsilbihan si Jesus pero ayaw nilang makinig. Bata pa raw ako ay ipinagkaloob na raw nila ako kay God. Hindi ko talaga pangarap na maging pari.
Patawarin sana ako ni God. Gusto kong maging famous chemist dito sa ating bansa. Graduating na ako sa kolehiyo sa BS Chemistry.
Ang sabi ng parents ko, pinagbigyan na raw nila ako sa gusto ko kaya sana raw ay pagbigyan ko rin sila.
May sakit sa puso ang aking Mama at mahal na mahal ko sila. Mahal ko rin ang pangarap ko. Sana, payuhan mo ako sa malaking problemang ito.
Sana sa pamamagitan ng column mo, may iba ring sumulat sa akin para makapagbigay ng opinyon nila o kaya’y makipagkaibigan para naman matimbang ko ang kalagayan ko ngayon.
Lubos na gumagalang,
Prince Zedric Cambe
Zamboanga A.E. Colleges
J.S. Alano st., Zamboanga City 7000
Dear Prince Zedric,
Isa ring masaganang pangungumusta sa iyo at sana sa pamamagitan ng pitak na ito ay matulungan nga kita sa malaki mong problema.
Tulad mo, malaya rin ang kaisipan at pananaw ng column na ito at sa paniniwalang hindi puwedeng diktahan ninuman ang kagustuhan ng isang tao kung batid mo namang nasa tama ka ngang landas na tinatahak.
Bawat magulang ay walang hangad kundi ang kaligayahan at tagumpay ng kanilang anak. Kaya, sa aking pananaw, maaari namang hindi nila talagang ipipilit ng magulang mo kung ano ang gusto nila para sa iyo na labag naman sa damdamin mo.
Sinubukan mo na bang patulong sa mas nakatatanda mong mga kamag-anak para pakiusapan ang Mama mo na huwag naman nilang saklawin ang karapatan mo sa pagpili ng bokasyon mo sa buhay ?
Bakit hindi mo rin ipagtapat ito sa isang paring pakikinggan ng Mama mo, na makapagpapaliwanag sa kanya ng konsekuwensiya kung pipilitin ka nilang mag-pari ng labag sa kagustuhan mo.
Marami na ngang talagang likas pagkabata ay gustong mag-pari subalit kahit nakapag-misa na ay lumalabas pa rin sa bokasyon dahil mayroon silang mga pagsubok na hindi nalampasan.
Mas madaling tumanggap at makapasa sa mga pagsubok kung likas sa puso at isip ang pagkagusto sa isang bokasyon tulad ng pagpapari.
Manalangin ka nang husto para rin naman gabayan ka kung makabubuting pagbigyan mo ang kagustuhan ng iyong mga magulang.
Kung talagang walang-wala sa loob mo ang pagpapari, mabuting sabihin mo ito nang tapatan sa mga magulang mo para hindi naman sila umasa.
Dr. Love