Nawa’y datnan kayo ng sulat ko na nasa mabuting kalagayan. Ako’y isa sa libu-libong sumusubaybay sa column ninyo. Bukod sa marami kayong natutulungan ay marami pa kaming napupulot na aral mula sa inyong mga payo. Kaya naman nang mabasa ko na may taga-Baguio rin pala na sumulat sa inyo ay sumulat na rin ako para may makuhang payo sa inyo hinggil sa aking problema.
Tawagin na lamang ninyo akong "Larry Boy", 31-taong-gulang, may asawa at apat na anak. Ang problema ko po bay ang sarili ko mismo. Noong binata pa po ako ay wala akong kahilig-hilig sa alak. Ngunit ngayong may pamilya ako ay saka ako nalulong dito. Matino naman po ako, Dr. Love kapag hindi ako nakainom. Ngunit ang ipinagtataka ko ay kapag nakainom ako ay kahit na ano ang naiisip ko. Minsan ay napagbubuhatan ko ng kamay ang asawa ko nang walang dahilan. At kapag nasobrahan naman ay sarili ko ang pinahihirapan ko.
Actually, noong nakaraang taon pa ako ganito. Gusto ko na talagang magbago, Dr. Love, ngunit kapag nakakakita ako ng alak ay agad akong natutukso.
Bigyan po ninyo akong mabisang payo. Natatakot ako na balang araw ay mauwi pa ito sa paghihiwalay naming mag-asawa.
Hanggang dito na lang at marami pong salamat. Nawa’y pagpalain kayo ng Maykapal.
Gumagalang,
Larry Boy ng Baguio City
Dear Larry Boy,
Bahagi ng social life ng tao ang alak. Taken moderately, ito’y umaani ng kaibigan. Nakakatulong sa negosyo at pagpapalawak ng circle of friends.
Ngunit iba-iba ang epekto ng alak sa tao. May mga taong lumalabas ang "halimaw" sa katawan kapag nasa ilalim ng espiritu ng alak.
Kung ganyan ka, nararapat lamang na iwasan mo ito.
Wala akong masasabing solusyon sa problema mo maliban sa pagkakaroon ng determinasyon at disiplina para talikdan ang iyong masamang bisyo.
Bago ka tumungga, isipin mo ang karahasang maaari mong magawang muli hindi lamang sa iyong asawa kundi sa ibang tao. Kaya bago ka makagawa ng isang akto ng karahasang maaari mong pagsisihan, iwasan mo na ang bisyong iyan.
Magbasa ka ng Bibliya dahil diyan mo mapupulot ang kalutasan sa iyong problema. Hindi natin kayang baguhin ang ating sarili pero kung ipauubaya natin sa Panginoon ang lahat, walang imposible.
Dr. Love