Nasaan ka, Mahal?

Dear Dr. Love,

Una po, syempre, isang pagbati sa iyo at sa lahat ng staff ng PSN.

Hindi ko po alam kung paano uumpisahan ang sulat na ito sa iyo. Sa totoo lang, matagal na sana po akong gustong sumulat sa inyo, tulad ng nababasa ko sa column mo na araw-araw ay sinusubaybayan ko.

Dr. Love, ako po ay nakatira ngayon sa Tayabas, Quezon at nagtatrabaho sa isang department store dito sa Lucena City. Ang problema ko po ay kung paano hahanapin ang boyfriend ko.

Isa po akong Bicolana. Dati po, nagtatrabaho ako sa Maynila at dito ko nakilala ang boyriend ko na nag-aaral pa lang noon ng Criminology subalit nag-graduate na siya noong nakaraang Oktubre.

Kahit nangungulila ako sa kanya, ang pinanghahawakan ko ay ang kanyang pangako na kahit matagal na wala kaming komunikasyon sa isa’t isa, ang laman ng puso niya at isip ay ako pa rin.

Mahal na mahal ko po siya at kahit na mayroong ibang nanliligaw sa akin ay hindi ko pinapansin dahil sa aking boyfriend.

Mahigit nang anim na buwan kaming walang komunikasyon at tapos na siyang mag-training ay wala pa rin akong balita sa kanya.

May nakapagsabi sa aking kaibigan niya na nasa Cebu na raw ang bf ko.

Gusto ko sanang sumulat sa parents niya pero nahihiya ako. Hindi po alam ng boyfriend ko kung saan ako hahagilapin. Sana po sa pamamagitan ng column na ito ay mabalitaan ko kung nasaan siya.

God bless you and more power to you.
M. Evasco
G. Cordero st., Capistrano Subdivision,
Tayabas, Quezon



Dear Miss M.,

Mayroon palang kaibigan ang bf mo na puwede kang mapagtanungan, bakit hindi siya ang sulatan mo para alamin kung nasaan talaga ang nobyo mo.

Sa tagal nang wala kayong komunikasyon sa isa’t isa, maaaring mayroong dahilan kaya hindi na siya sumusulat sa iyo.

Mahirap kung minsang manghawak sa pangako ng isang nobyo lalo’t magkalayo kayo sa isa’t isa.

Maging praktikal ka. Sa panahon ngayon, kahit na nga mayroong asawa ay nakakaisip makipag-nobya sa iba. Hindi mo dapat na ibaon ang sarili sa isang pangakong hindi alam kung napapako.

Pilitin mong makibalita sa iba at huwag mo nang sulatan ang parents ng boyfriend mo at baka lalo lamang na hindi nila ituro ito sa iyo sa pangambang naghahabol ka sa kanilang anak.

Magagawa mo namang pakibalitaan kung nasaan ang nobyo mo sa pamamagitan ng isang mapagkakatiwalaan mong tao na siyang magtatanung-tanong hinggil sa kanya.

Good luck to you at saka huwag mo nang dibdibing mabuti ang paghahanap sa boyfriend mo na walang pakialam naman sa iyo dahil nakatagal siyang hindi naman naghahanap sa iyo.

Dr. Love

Show comments