Isa pong magandang araw sa inyo at sa mga kasamahan ninyo sa pasulatan.
Naganyak po akong sumulat sa inyong column dahil palagi kong binabasa ito at alam kong mabibigyan ninyo ng tamang solusyon ang aking problema.
Isa po akong driver ng Tamaraw-FX na nagbibiyahe sa Fairview, Quezon City. Sa pagpapasada kong ito nakilala si Miss Mayumi na mahilig maupo sa front seat dahil hindi raw mahirap bumaba o kayay nagigitgit sa upuan.
Nagbabayad siya ng doble para lang wala na siyang katabi sa upuan kung kayat mula nang maging suki ko na siya ay nakaugalian ko nang bakantihin ang front seat para lang lagi siyang sumakay sa aking sasakyan.
Mabait siya hindi tulad ng ibang estudyante na naisakay ko sa FX at nakipagkaibigan siya sa akin hanggang dinaraanan ko na siya sa paaralang pinapasukan sa oras ng kanyang pag-uwi. Idinaraan ko na rin siya sa kanyang tahanan para hindi na siya mag-traysikel papasok sa kanilang lugar.
Malimit na pinakakape pa niya ako hanggang kinontrata na niya akong maghatid sa kanya papasok at pauwi na may buwanang bayad.
Noong una ay atubili akong makipagkasundo sa kanya sa trabahong ito subalit nang pakiusapan ako ng kanyang ina, pumayag na ako dahil ako naman ang may-ari ng sasakyan.
Dito nagsimula ang pangangarap ko na sana ay magkapuwang ako sa puso niya dahil natutuhan ko na siyang mahalin.
Ayaw ko sanang sabihin sa kanya ang niloloob ko, pero naipagtapat ko rin ito minsang kaunti lang ang pasahero at in the mood siyang makipagkuwento. Pagkaraan nito, tumanggi na siyang sumakay sa sasakyan ko.
Minsan sinadya kong huwag mamasada at inabangan ko siya sa paaralan. Niyaya ko siyang magmeryenda at sumama naman siya sa akin.
Sinabi ko sa kanya na huwag na niyang pansinin ang ipinagtapat kong pag-ibig para lang huwag nang magbago ang pakikipagkaibigan niya sa akin. Tumawa lang siya pero hindi naman niya sinagot ang kahilingan ko na muli ko siyang susunduin at ihahatid sa paaralan.
Mula noon ay hindi na nga siya sumakay uli sa aking FX. Nasaktan ako dahil ang palagay ko ayaw niya sa akin dahil mayaman sila at pangkaraniwan lang akong driver.
Tapos din naman ako ng kurso at nakapangibang-bansa na at kaya nagsarili ng negosyo sa pag-asang mas mabilis akong makakaipon para matupad ang hangad kong makapagpatayo ng sariling bahay.
Hindi ko na tinangkang kausapin pa siya uli, kahit na lungkot na lungkot na ako sa pagkawala sa tabi ko ng isang magandang pasahero. Pilit kong kinakalimutan siya pero parang tukso namang laging naglalaro ang maamo niyang mukha sa aking isip.
Ano po ang tingin ninyo? Kailangan ko po bang ipursige ang panliligaw ko sa kanya? Ni hindi ko nga alam kung may gusto rin siya sa akin.
Lubos na gumagalang,
Arnel
Dear Arnel,
Walang masama kung ipursige mo ang layong panliligaw kay Miss Mayumi. Binata ka naman at masikap sa buhay.
Sa bahay mo na siya dalawin para walang masabi sa iyo ang kanyang pamilya.
Maipapakita mo pang pormal kang tao at tapat sa layunin.
Tanggapin mo anuman ang kanyang hatol sa iniluluhog mong damdamin. Ipakita mo ring may sarili kang pagpupunyagi sa buhay at hindi mo siya nililigawan dahil mayroon siyang kaya sa buhay.
Good luck to you at sana maibig ka rin ni Miss Mayumi.
Dr. Love