Binasted niya ako subalit mahal ko pa rin siya

Dear Dr. Love,

Sana sa pagtanggap ninyo ng liham kong ito ay nasa mahusay kayong kalagayan kasama na ang inyong staff.

Sumulat po ako sa inyo kasi ay mahusay kayong magbigay ng payo.

Nagsimula po ang sitwasyon sa ganito: Nakilala ko si Miyaka sa isang espesyal na araw, Valentine’s Day. Nang makita ko siya sa simula pa lang ay naging magaan na agad ang loob ko sa kanya. Kaya naman nagsikap akong ligawan siya kahit hindi ako sigurado sa nararamdaman ko sa kanya.

Subalit habang dumaraan ang mga araw, nararamdaman ko na hinahanap ko siya lagi kaya naman napatunayan kong in-love na ako sa babaeng ito.

Madalas kaming magkita. I’m happy kapag kasama ko siya. Akala ko noong una ay kami na nga dahil sa kanyang kilos at pananalita na para bang binibigyan niya ako ng pag-asa.

Subalit nagkamali ako kasi ay binasted niya ako. Noong una, ang akala ko sinusubukan lang niya ako. Kaya naman ipinakita ko sa kanya ang katapatan ko. Kasi naman ang mga pananalita niya, talagang nakaka-attract para ituloy ko ang panliligaw ko sa kanya.

Wala rin pala akong maaasahan. Nasaktan ako kaya ipinasya kong manligaw na lang sa iba para makalimutan ko siya.

Nagkamali ako dahil kahit na mayroon na akong girlfriend -- kay Lamie, palaging si Miyaka pa rin ang nasa isip ko.

I did everything para malimutan ko siya pero ang feelings ko sa kanya ang nananatili.

Payuhan po ninyo ako.
Vincent




Dear Vincent,


Ikinalulungkot naming hindi nailathala ang liham mo sa panahong itinakda mo sa liham mo para sa huling linggo ng Setyembre.

Marami kasing nakaimbak na liham na nauna kaysa sa iyo bukod pa sa hindi kaagad namin natanggap sa oras ang liham mo.

Anyway, para sa problema mo, nararamdaman mo na hanggang ngayon ay mahal mo pa ang babaeng bumasted sa iyo dahil marahil hindi mo matanggap na nabasted ka gayong tapat naman ang damdamin mo para sa kanya.

Mayroon ka na kamong girlfriend. Sa kanya mo na lang iukol ang iyong panahon dahil hindi naman makabubuti na patuloy mo siyang itatali sa isang relasyon gayong hindi mo matanggap na mahal mo nga siya.

Bilang payong kapatid, kalimutan mo na si Miyaka dahil wala namang katugong damdamin sa kanya ang pagmamahal mo.

Siguro ay mahal mo nga siya nang husto kaya hindi mo siya malimot.

In due time, matatamo mo ang hangad na kapayapaan ng isipan at makikita mo na ang magagandang katangian ng iyong girlfriend.

Dr. Love

Show comments