Celtics tinambakan ang Warriors
SAN FRANCISCO — Nagtala si Jayson Tatum ng 22 points at may 18 markers si Kristaps Porzingis sa 125-85 pagtambak ng nagdedepensang Boston Celtics sa Golden State Warriors.
Ipinalasap ng Celtics (30-13) sa Warriors (21-21) ang pinakamasaklap na home loss nito sa loob ng 40 taon matapos ang 104-149 kabiguan sa Dallas Mavericks noong Enero 15, 1985.
Nagdagdag si Jaylen Brown ng 17 points kasunod ang 14 markers ni Payton Pritchard para sa Boston.
Pinamunuan ni Stephen Curry ang Golden State sa kanyang 18 points.
Nang iposte ng Celtics ang isang double-digit lead sa quarter period ay hindi na nakalapit ang Warriors sa second half.
Sa Cleveland, iniskor ni Donovan Mitchell ang 23 sa kanyang 33 points sa second half sa 118-92 pagdaig ng NBA-leading Cavaliers (36-6) sa Phoenix Suns (21-21).
Sa Houston, kumolekta si Cade Cunningham ng 32 points, 9 rebounds at 7 assists sa 107-96 pagpapasabog ng Detroit Pistons (22-21) sa Rockets (28-14).
Sa Memphis, nagsalpak si Jaren Jackson Jr. ng 24 points at may 22 markers ni Desmond Bane sa 108-106 pagtakas ng Grizzlies (28-15) sa Minnesota Timberwolves (22-21).
Sa New York, bumira si Jalen Brunson ng 34 points para igiya ang Knicks (28-16) sa 119-110 paghuli sa Atlanta Hawks (22-20).
- Latest