PBA Board nagkasundo para sa FIBA 3x3 World Cup
MANILA, Philippines — Sumentro ang halos tatlong oras na pagpupulong ng PBA Board of Governors sa partisipasyon ng professional league sa FIBA 3x3 World Cup na nakatakda sa Hunyo 8-12 sa Phi-lippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sinabi ni SBP president Al Panlilio, kumakatawan sa Meralco sa PBA Board, na ibubunyag ang Philippine lineup bago matapos ang buwan.
Ang training pool ay ihahayag ng SBP kasabay ng pagpapangalan sa head coach, dagdag ni Panlilio sa pulong ng PBA Board sa Marco Polo Hotel sa Hong Kong noong Huwebes.
Inilarawan naman ni PBA Commissioner Willie Marcial ang nasabing meeting bilang “productive” at sinabing papalitan nito ang regular session sa ikaapat na Huwebes ng buwang ito.
Dumating sina PBA chairman Ricky Vargas at TNT alternate governor Patrick Gregorio sa Hong Kong noong Miyerkules mula sa Bangkok kung saan dumalo sila sa Olympic Council of Asia conference.
Si Vargas ang POC president at si Gregorio ang POC secretary-general.
Pinag-usapan din ng PBA Board ang rekomendasyon ng PBA Competition Committee na nagpulong sa PBA office noong Martes.
Inaprubahan ng Board ang pagbabawas sa 30-second timeout sa da-lawa mula sa dating tatlo bukod pa ang pagpayag sa paghawak sa backboard para sa binabalak na pagsupalpal.
Dati ito ay nanga-ngahulugan ng automatic goaltending call kung mahahawakan ng isang player ang backboard sa pagtatangkang supalpalin ang tira ng kalaban.
Itatawag naman ang goaltending kung hahawakan ng isang player ang backboard na hindi naman susupalpal sa isang shooting situation.
Samantala, pinili ng PBA Board sina Alaska governor Dickie Bachmann at legal counsel Melvin Mendoza para makipag-usap sa mga dating PBA players hinggil sa pakikipagtambal sa Samahan Ng Dating Propesyonal na Basketbolista ng Pilipinas.
Nauna nang nakipag-usap si Marcial kina Atoy Co, Philip Cezar, Ed Cordero, Allan Caidic, Alvin Patrimonio at Art dela Cruz ng nasabing foundation na tutulong sa mga dating PBA player na nanga-ngailan ng medikasyon.
- Latest