Pelicans Sweep ang Blazers
NEW ORLEANS -- Kumamada si Anthony Davis ng 33 sa kanyang franchise playoff-record 47 points sa second half para akayin ang Pelicans sa 131-123 paggupo sa Portland Trail Blazers sa Game Four at walisin ang kanilang first-round playoff series.
Nakumpleto ng All-Star ang isang layup sa kanyang pagbagsak sa sahig mula sa hard foul para ipakita ang kanyang lakas at ng koponan.
“In a close-out game and then the magnitude of the situation, this is probably the best game he’s played since I’ve been here,” wika ni New Orleans coach Alvin Gentry kay Davis.
Humataw si Davis ng 12 points sa huling limang minuto ng laro para tuluyan nang sibakin ang Portland sa 4-0.
Nagdagdag si Jrue Holiday ng 41 points na tinampukan ng isang 18-footer na nagbigay sa Pelicans ng six-point lead laban sa Blazers sa huling 40 segundo ng laro.
Sa Minneapolis, tumipa si Jimmy Butler ng apat na 3-pointers para tumapos na may 28 points at humakot si Karl-Anthony Towns ng 18 points at 16 rebounds at tulungan ang Minnesota Timberwolves sa 121-105 panalo laban sa Houston Rockets sa Game Three para sa una nilang postseason victory sa loob ng 14 taon.
Nag-ambag si Jeff Teague ng 23 points kasunod ang 20 markers ni Andrew Wiggins para maduplika ng Timberwolves ang NBA best na 3-point shooting team sa kanilang 15 triples.
Sa Miami, hinirang si Ben Simmons bilang unang rookie matapos si Magic Johnson noong 1980 na nagposte ng playoff triple-double at nagtala si JJ Redick ng 24 points para igiya ang Philadelphia 76ers sa 106-102 panalo laban sa Heat at kunin ang 3-1 lead sa kanilang Eastern Conference first-round series.
Bumawi ang Philadelphia mula sa 10-point deficit para agawin ang seven-point lead sa likod ng inihulog na 19-2 bomba para talunin ang Miami.
Maaari nang tapusin ng 76ers ang Heat sa Game 5 sa Miyerkules (Manila time).
Sa Salt Lake City, kumolekta si Ricky Rubio ng 26 points, 11 rebounds at 10 assists para sa unang playoff triple-double sa nakaraang 17 taon ng Utah habang nagdagdag si Donovan Mitchell ng 22 points para akayin ang Jazz sa 115-102 paggupo sa Oklahoma City Thunder at ilista ang 2-1 lead sa kanilang first-round series.
- Latest