Shabu lab sa Marikina, ni-raid
MANILA, Philippines — Sinalakay ng mga tauhan ng Marikina City Police ang isang tahanan na ginagamit umanong shabu laboratory ng isang kilalang Chinese drug dealer, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga equipment at kemikal na hinihinalang ginagamit sa paggawa ng shabu sa Brgy. Nangka, kamakalawa ng gabi.
Ang mga naturang nakumpiskang equipment at kemikal ay iprinisinta sa media nina Marikina City Mayor Marcelino Theodoro, National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, P/Director Camilo Cascolan, Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Reynaldo Biay, at Marikina City Police chief, P/Senior Supt. Roger Quesada kahapon ng tanghali.
Batay sa ulat ng Marikina City Police, dakong alas-6:15 ng gabi kamakalawa ay nagkasa ng joint anti-illegal drug operation ang Marikina City Police-Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Station Intelligence Branch (SIB), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- Eastern District, sa tahanan ng kilalang Chinese drug dealer na si John Ming Shen, alyas “Macario Lim” at “Jiang Yonyuan”, na matatagpuan sa 48/60 Divina Gracia St., St. Mary Subdivison, sa Brgy. Nangka.
Ang pagsalakay ay isinagawa sa bisa ng Search Warrant No. 2018-84-MK na inisyu ni Executive Judge Anjanette De Leon Ortile, ng Marikina Regional Trial Court (RTC) Branch 156, matapos na makatanggap ng ulat na may shabu laboratory sa lugar.
Nagresulta naman ito sa pagkakakumpiska ng mga equipment at containers na may Chinese marking at naglalaman ng kemikal na hinihinalang ginagamit sa produksyon ng shabu.Ayon kay Quesada, may kinalaman din ang pagsalakay sa anti-illegal drug operation na isinagawa kamakailan sa Batangas at Malabon City noong Abril 13 at 14, 2018, sa mga drug laboratory na sinasabing pagmamay-ari ng suspek.
- Latest