SMB-Alab-Mono Vampire war umpisa na
MANILA, Philippines – Magtatagpo ang San Miguel-Alab Pilipinas at Mono Vampire Thailand ngayon sa Game 1 ng best-of-five championship series sa 8th ASEAN Basketball League sa Sta. Rosa Multi-Purpose Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.
Sisimulan ng Alab Pilipinas at Mono Vampire ang serye sa alas-8 ng gabi sa harap mismo sa inaasa-hang jampack crowd.
Ang third seed Filipino team ay nakakuha ng 3-2 bentahe sa home and away league dahil tumapos sila na ikatlong puwesto habang pang-apat lamang ang Mono Vampire sa parehong 14-6 win-loss kartada pagkatapos ng elimination round.
Sa format ng finals, ang unang dalawang sunod na laro ay gaganapin dito sa Pilipinas at ang susunod na dalawa ay gagawin sa Stadium 29 sa Bangkok, Thailand at babalik sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex kung kinakailangan para sa deciding fifth game sa Mayo 2.
Pumasok ang Mono Vampire sa finals matapos walisin ang best-of-three semifinals kontra sa top seed Chong Son Kungfu China, 2-0 habang ang Filipino team ay nagwagi rin sa parehong 2-0 sweep laban sa nagdepensang Hong Kong Eastern Lions sa ibang semis match.
Sa dalawang beses na paghaharap sa elimination round, hindi nanalo ang Mono Vampire sa Alab Pilipinas. Tinambakan ng Alab Pilipinas ang Thailand team, 114-87 sa unang paghaharap sa Bangkok Stadium 29 noong Enero 14 at sinundan ng 76-74 panalo sa ikalawang pagtatagpo sa Baliwag Star Arena sa Baliwag, Bulacan noong Pebrero 7.
Tiyak sasandal si coach Jimmy Alapag kina Justin Brownlee at Renaldo Balkman, Bobby Ray Parks, Josh Urbiztondo, Lawrence Domingo at Dondon Hontiveros habang ang Mono Vampire ay pangungunahan naman nina 7’5 Sam Deguara, Michael Singelatry, Jason Brickman at ang Pinoy na si Paul Zamar.
Huling nagtagpo sa finals ang koponan mula sa Pilipinas at Thailand ay noong 2011 kung saan tinalo ng Chang Thailand Slammers ang Philippine Patriots.
- Latest