‘Chewbibo!’
Ngek! Ang akala ko ang pagkain ng tao,
Tanging pagbabago la’t nausong istilo —
‘Yung sa social media bago isubo ito,
Kokodakan muna’t paaalam sa mundo!
Hindi na “take home” kundi TAKE PICTURES nauso!
‘Di pa nagkasya’t iparirinig sa ‘yo
Ingay ng pagnguya, may sound effects pa kuno!
Pero laos na pala ya’t meron nang bago!
This is DITS o Dinner In The Sky tawag dito!
Ang tawag nga ng Ang Poet N’yo ay CHEWBIBO!
At bakit nga ba hindi eh kakain kayo
Matapos iangat ng crane parang tsubibo!
Kailangan lang wala kang lula at hilo,
Dahil baka ‘yung isusubo isuka mo!
Nagsimula ito sa Belgium 12 years ago,
Kakasya bawat oras twenty-two katao!
One hundred fifty feet lang naman ang taas n’yo!
Mas mataas pa rin ibang kinainan ko!
Tulad Ritz Carlton Hongkong, World’s highest hotel ‘to!
Kaya nga lang sa DITS iba kasi hanap mo!
Dinner with E-A-T? Experience And Thrill ito!
Ops ang galing ko ha! Baka malibre tayo!
Eto pa isa para invite sigurado —
Imagine, dito lang may EATBELTS pag dinner mo!
At meron pa palang mas matindi pa rito —
And more than FIFTY THOUSAND FEET ang taas nito!
I ate at halos kita na kurba ng mundo!
Nangyari ‘to nung sa Concorde sumakay ako!
Baka nga dalawang Mount Everest pa ito!
Ngek! Pwede’t nangyari more than 20 years ago!
Pero ang paligid mo naman ay sarado,
‘Di tulad DITS labas yata tagiliran mo!
Nayyy, at no jingle habang nasa taas kayo!
Kaya kung tina-target nyo’y medyo nerbyoso,
Kayo’y mag-propose ng kasal at gawin dito,
Tiyak makukuha agad ang sweet nyang OO!
May isa pang dinner na pinuntahan ako,
Wala kayong makikitang katulad nito,
As in, WALA TALAGANG MAKIKITA KAYO!
Madilim pagkat walang ilaw kahit ano!
Dans le Noir… IN THE DARK ibig sabihin nito!
At sa Paris, France pa namin ito dinayo!
Masarap na dinner na ‘di makikita n’yo!
Matindi pa… BULAG ang magsisilbi sa ‘yo!
Subalit bago naman papasukin kayo,
Allergies and choice mo ang laman ng interview,
Kung may maganda namang idudulot ito —
Ayos ito kung ‘di maganda ang ka-date mo!
Isipin na lang pati pagkain ng tao,
Nagagawa pang tila isang entablado!
Dati ay sa palad kumakain lang tayo,
Sumunod palapa ng saging hanggang plato!
PALAD, PALAPA, PLATO… hmmm, puro PAPA ‘no?
Kaya ‘yan ang tawag sa pagsubo siguro!
Well, kahit anong klaseng dinner pa’y game ako!
Mahalaga sa dinner meron kang DINERO!
- Latest
- Trending