Sa Piling ng Kalapati(118)
“TAMA ka Ruth, dapat akong magpasalamat dahil nakapiling ko ang aking anak. Wish ko nga noon ay makita lang siya ay okey na. Oo nga, dapat akong magsaya sapagkat hindi ko lang nakita kundi nakapiling ko pa si Keiko,” sabi ni Mommy Donna.
“Masayang-masaya ako at natupad ang mga kahilingan mo Mommy. Kapag kasi malungkot ka, nalulungkot din ako. Ayokong nakikita kang malungkot. Gusto ko, lagi kang masaya.’’
Tumagos sa puso ni Mommy Donna ang mga sinabi ni Ruth. Napakasuwerte talaga niya sa pagkakaampon kay Ruth. Kung hindi kay Ruth, baka hindi ganito ang sitwasyon ng buhay niya.
Napakasuwerte talaga niya – walang kasing suwerte.
“Habang hinihintay natin ang muling pagbabalik ni Keiko, tayong dalawa ang walang sawang magba-bonding, Mommy. Iyan ay kung hindi ka nagsasawa sa pagmumukha ko.’’
“Sira ka talaga, Ruth! Bakit naman kita pagsasawaan? Magagalit na ako sa’yo.’’
“Siyempre mayroon ka nang tunay na anak. Ako naman e ampon lang.’’
“Tunay na anak ang turing ko sa’yo, Ruth. Mahal na mahal kita!’’
Hindi nakapagsalita si Ruth. Dama niya ang katotohanan sa sinabi ni Mommy Donna.
ISANG hapon na pauwi si Ruth, may nakita siyang pulubing dalagita na nakahiga sa waiting shed.
Naalala niya ang pinagdaanan. Tulad din siya ng dalagita.
(Itutuloy)
- Latest