EDITORYAL - Ilabas, listahan ng mga kandidatong sangkot sa droga
KAHAPON natapos ang pagsusumite ng certificate of candidacy ng mga tatakbong barangay officials at Sangguniang Kabataan. Marami ang humabol sa pagpapa-file ng kandidatura. Ayon sa Commission on Elections, mahigit 600,000 ang natanggap nilang COCs. Nakatakda ang barangay at SK elections sa Mayo 14. Magsisimula na sa isang linggo ang kampanya ng mga kandidato.
Noon pa, balita nang maraming barangay officials ang sangkot sa ipinagbabawal na droga. Mayroong barangay chairman na pinuprotektahan ang mga drug pushers. Mayroong barangay kagawad na ang bahay ay ginagawang drug den at mayroong sa mismong bakuran ng barangay hall nagkakaroon ng transaksiyon sa droga.
Si President Duterte mismo ang nagsabi na 80 porsiyento ng barangays sa bansa ay drug infested. At sinabi rin niyang maraming barangay officials ang sangkot sa droga. Ang senaryong ito ang naging dahilan kaya dalawang beses niyang sinuspende ang barangay elections, una ay noong Oktubre 2016 at ikalawa ay noong Nobyembre 2017. Ayon kay Duterte, ayaw niyang magamit ng mga tatakbong kandidato sa barangay ang drug money kaya sinuspende niya ang election. Tiyak na magpapakawala ng pera ang drug syndicates para manalo ang kanilang kandidato.
Para lubos na maipaunawa ng Presidente ang kanyang kampanya laban sa droga, sinabi niyang mayroon siyang listahan ng mga barangay officials sa bansa na sangkot sa droga. Marami umano ang nasa listahan at isisiwalat niya ang mga ito.
Sabi naman ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency na mayroon silang listahan ng mga barangay officials na sangkot sa drug trade. Ayon sa PDEA, umaabot sa 274 bara-ngay officials ang nasa kanilang listahan.
Ano pa ang hinihintay ng PNP at PDEA? Ilabas na ang listahan ng mga opisyal na sangkot para mabigyang babala ang mamamayan. Kailangang malaman kung sino ang mga salot sa barangay. Ilabas ang listahan habang maaga pa.
- Latest