Donaire determinado sa title fight
MANILA, Philippines — Noong 2012 ay hinirang si Nonito 'The Filipino Flash' Donaire Jr. bilang 2012 Fighter of the Year kung saan niya magkakasunod na tinalo sina Wilfredo Vasquez Jr., Jeffrey Mathebula, Toshiaki Nishioka at Jorge Arce.
Matapos ito ay natalo ang tubong Talibon, Bohol kay Cuban super bantamweight titlist Guillermo Rigondeaux sa pamamagitan ng unanimous decision.
Naisuko naman ni Donaire ang dating suot na WBO super bantamweight belt kay Mexican Jessie Magdaleno noong Nobyembre ng 2016 sa undercard ng Manny Pacquiao-Jessie Vargas fight sa Las Vegas at nagpasyang lumipat sa featherweight division.
Sa Linggo (Manila time) ay pipilitin ni Donaire na makakuha ng title fight sa pagsagupa kay Carl Frampton sa SSE Arena sa Belfast, Ireland.
“I think I’m a smarter fighter than I was in 2012. With the ups and downs that I’ve experienced in my career, I’ve learned what I’m capable of and where my mind is. We’re very confident going into this fight,” sabi ni Donaire sa press conference kahapon sa Europa Hotel sa Belfast.
Nauna nang nagkampeon ang 35-anyos na si Donaire sa flyweight, bantamweight, super bantamweight at featherweight divisions.
Pag-aagawan nina Donaire (38-4-0, 24 KOs) at Frampton (24-1-0, 14 KOs) ang WBO interim featherweight title kung saan ang mananalo ang maghahamon kay WBO king Oscar Valdez (24-0-0, 19 KOs).
Ang pagharap sa 31-anyos na si Frampton, dating featherweight ruler ng IBF at WBA, ang sinasabing 'make or break' fight ni Donaire para muling makakuha ng world boxing crown.
Nanggaling si Donaire sa unanimous decision victory kay Ruben Garcia Hernandez para sa WBC silver featherweight title noong Setyembre.
- Latest