LTFRB pinatigil ang P2-per-minute extra charge ng Grab
MANILA, Philippines — Pinatigil na kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P2-per-minute extra travel charge ng Grab.
Ang suspensiyon ay naganap matapos ang isinagawang pagpupulong ng LTFRB, Grab at iba pang stakeholders noong Miyerkules na kung saan ay inamin ng ride-hailing service na nabigo silang impormahan ang kanilang mananakay tungkol sa extra charges.
Ang utos ng LTFRB hinggil dito ay nilagdaan ni LTFRB Chairman Martin Delgra at Board member Ronaldo Corpus, at Executive Director Samuel Jardin.
Naipalabas ng LTFRB ang hakbang habang pinag-aaralan ang isang Department Order 2015-001 ng DOTC noon na nagbigay ng pahintulot sa Grab na sila mismo ang magdedesisyon sa halaga ng singil sa kanilang pasahe.
Sinasabing na pressure umano ang LTFRB sa mga reklamo hinggil sa isyu kaya’t nag desisyon na ipatigil ang pagsingil sa “hidden surcharge” ng Grab.
Sinabi ni Delgra na hindi aprubado ng LTFRB ang P2 per-minute-charge,pero ginigiit ng Grab na nakapaloob sa naturang kautusan ng DOTC ang ginawa nilang paniningil sa kanilang mga pasahero.
Samantala, kakasuhan ni PBA partylist Rep. Jericho Nograles ang Grab kapag hindi sila ang papasan sa refund ng siningil ng P2 per-minute-charge.
Handa siyang magsampa ng reklamong large scale estafa at syndicated estafa laban sa Grab.
Lalo na umano kung pupuwersahin ng kumpanya ang kanilang partners na Transport Network Vehicle Service (TNVS) para sila ang magbayad ng refund.
- Latest