24/7 disiplina ipatutupad sa PNP
MANILA, Philippines — Paiiralin ng bagong talagang si Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Oscar Albayalde ang 24/7 mahigpit na disiplina at reporma sa lahat ng units ng pulisya sa buong bansa.
Ito’y matapos na isalin na kahapon ng nagretirong si PNP Chief ret. Gen. Ronald “Bato’ dela Rosa ang kapangyarihan kay Albayalde bilang ika-22 hepe ng 190,000 malakas na puwersa ng PNP sa ginanap na turnover ceremony sa Camp Crame.
Sa nasabing okasyon ay ipinagkaloob na rin ni Pangulong Duterte ang ika-apat na estrelya ni Albayalde sa ‘donning of ranks’ na iginagawad sa pinakamataas na pinuno ng PNP.
“Today, as I humbly accept this new responsibility to lead the PNP, I shall commit to continue my low-key but stern kind of leadership. I will scale up the thrusts of the NCRPO to also be the thrusts of the PNP,” pahayag ni Albayalde sa kaniyang talumpati.
“We will focus on imposing strict discipline, reform and internal cleansing; intensified campaign against criminality and illegal drugs; practical program for crime prevention and suppression; and strengthen public engagement,” sabi pa niya.
Sinabi ni Albayalde na pangungunahan niya ang liderato ng PNP at siya mismo ang magsisilbing ehemplo para maipatupad ang 24/7 mahigpit na disiplina at pag-iimplementa ng reporma sa lahat ng antas para itaguyod ang isang mabuting pulis na iginagalang at hinahangaan ng publiko.
Binigyang diin ni Albayalde na dapat ipakita na kagalang-galang ang mga pulis upang irespeto ang mga ito ng publiko dahil ang tunay na serbisyo publiko ay kaakibat ng respeto.
Ipatutupad din niya ang pagsasanay na tututok sa paghubog ng disiplina sa bawat pulis at asahan na 24/7 ay nakaalerto ang kapulisan at abot kamay ng publiko lalo na sa mga sitwasyon ng emergency.
Kaugnay naman ng pinaigting na kampanya kontra droga, sinabi ni Albayalde na hindi tatantanan ng PNP ang giyera kontra droga na nais matuldukan ni Pangulong Duterte hangga’t hindi napapanagot sa batas ang kahuli-hulihang drug suppliers.
Magsasagawa rin ng sorpresang pag-iinspeksyon si Albayalde sa mga himpilan ng pulisya na tulad noong siya pa ang pinuno ng National Capital Region Police Oiffice (NCRPO) upang alamin ang kahandaan ng kanyang mga opisyal at tauhan.
Uunahin ni Albayalde ang binakante niyang posisyon sa NCRPO kung saan hahalili sa kanya sa puwesto si P/Director Camilo Pancratius Cascolan, dating hepe ng PNP Directorate for Operations.
Samantala si Quezon City Police Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar naman ang itatalagang bagong hepe ng Police Regional Office (PRO) IV A sa Southern Tagalog.
Ayon kay Albayalde, binigyan siya ng direktiba ni Pangulong Duterte na gawin kung ano ang inaakala niyang tama matapos bigyan ng kalayaan na magtalaga ng mga opisyal na nais nito sa mga key positions sa PNP.
- Latest