Solon pinamamadali sa LTFRB ang pagproseso sa aplikasyon ng ibang TNC
MANILA, Philippines — Hiniling ni Quezon City Rep.Winston Castelo sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na bilisan ang pagproseso sa aplikasyon ng ibang Transport network company (TNC).
Ang panawagan ay kasunod nang dumaraming reklamo sa serbisyo ng Grab na umano’y indikasyon na ng monopolyo makaraang mawala ang dating ka-kumpetensya na Uber.
Ayon kay Castelo, chairman ng House committee on Metro Manila Development, tungkulin ng LTFRB na protektahan ang interes ng commuters kaya dapat madaliin ng ahensya ang pagpasok ng competitors ng Grab.
Sinabi ng mambabatas na may apat na lokal na kumpanyang nag-apply para sa TNC licenses, ito ay ang Pira, Lag Go, Owto at Hype.
Nauna nang hinikayat ni Castelo ang gobyerno partikular ang Board of Investments (BoI), na magbigay ng incentives sa maliliit na kumpanyang handang makipagsabayan sa Grab.
Iginiit pa ng kongresista na kailangan ang mas maraming local players sa TNC business para mapigilan ang Grab na mangibabaw sa industriya.
Base sa reklamo ng ilang pasahero, tumaas na ng halos doble ang rates ng Grab lalo na tuwing rush hour at idinadahilan ang umano’y mataas na demand.
- Latest