Ex-Brgy. chairman, 4 pa timbog sa droga
MANILA, Philippines — Nalambat ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI-Task Force Against Illegal Drugs) ang isang dating barangay chairman, dalawa nitong kapatid at 2 pang kasama sa isinagawang pagsalakay sa isang bahay na ginagawang drug den sa Cavite City nitong Abril 14, 2018.
Bukod sa kinakaharap na reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 ay sinampahan din ng reklamo kaugnay sa mga narekober na baril dahil sakop ang panahon ng Comelec gun ban ang mga suspek na kinilalang sina Maynard Alfaro, dating chairman ng Barangay 134, Zone 23, Pasay City, at mga kapatid na sina Jonathan Alfaro at Archie Alfaro, Romeo Laurenaria, Jr. at Henry Moyano.
Sinabi ni NBI Director Dante Gierran na nakakuha sila ng impormasyon hinggil sa iligal na aktibidad ng “Nanad Group”na pinamumunuan umano ng Alfaro brothers.
Kaya’t kumuha ang NBI-TFAID ng search warrant sa Bacoor City Regional Trial Court Branch 89 at nakipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at lokal na pulis bago ikinasa ang operasyon.
Sa pagdating ng grupo sa nasabing drug den, agad namataan sila ni Jonathan Alfaro at nagtangkang tumakas sakay ng kotse, subalit nakorner siya ng mga otoridad.
Hinaluglog ang kaniyang bahay at doon narekober ang mga iligal na droga at parapernalias, mga bala, mga ID at sa kotseng nabanggit ay nakita ang isang kalibre 40 baril.
Kinagabihan, binalikan ng NBI-TFAID ang nasabing bahay bitbit ang warrant of arrest sa kasong murder naman para sa subject na si Maynard Alfaro, naispatan siya na nakatayo sa harapan ng gate ng bahay at kasama sina Archie Alfaro at Henry Moyano at Romeo Laurenaria Jr. at inaresto.
Sinampahan ng hiwalay na reklamo sa paglabag sa R. A. 10591 or the Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sina Maynard at Moyano Laurenaria.
- Latest