NPA masahol pa sa terorista - AFP chief
MANILA, Philippines — Bago bumaba sa puwesto ay muling nanindigan si outgoing Armed Forces of Philippines (AFP) Chief Gen. Rey Leonardo Guerrero na masahol pa sa mga tulisan at tunay na terorista ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bansa.
Ayon kay Guerrero, hindi lang “brand” o “tag” ang pagbansag sa CPP-NPA bilang terorista, na ginagamit ng pamahalaan laban sa komunistang grupo dahil ito ang katotohanan sa kanilang tunay na kulay.
Si Guerrero ay nakatakdang bumaba sa puwesto ngayong araw sa gaganaping change of command ceremony sa Camp Aguinaldo.
Ipinaliwanag ni Guerrero, sa legal na depenisyon ay mga terrorista ang CPP-NPA dahil totoo namang “terroristic activities” ang panununog ng mga pribadong ari-arian, pangongotong sa mga negosyante, at pangha- harass sa mga sibilyan.
Magugunitang hiningi ni CPP founding Chair Jose Maria Sison na iatras ng pamahalaan ang mga hakbang na ipadeklarang mga terorista ang CPP-NPA bilang kondisyon sa pagbuhay muli ng gobyerno sa peace talks.
Una rito, ipinag-utos ng Pangulo sa mga negosyador ng pamahalaan na tingnan kung may posibilidad na buhayin ang naudlot na usapang pangkapayapaan.
Maging ang anak ng Pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay tutol na buhayin ang peace talks dahil nagsasamantala lamang umano ang teroristang grupo.
Ayon kay Guerrero, ipinapakita lang ng hakbang ng Pangulo na sa kabila ng kanyang matapang na pananalita, ay nasa puso niya ang pangmatagalang kapayapaan sa bansa.
Idinagdag pa nito na kung ayaw ng CPP-NPA na bansagang mga terorista, ay dapat lang na tapatan nila ang sinseridad ng gobyerno.
Sinabi ng heneral na dapat itigil na rin ng CPP-NPA ang teroristang aktibidades na kabilang sa mga kondisyon na inilatag ng pamahalaan sa muling pagbuhay ng peace talks.
- Latest