Hepe ng Malate police, 17 iba pa sinibak dahil sa extortion
MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ang 18 tauhan ng Malate police station kabilang ang hepe nito sa Maynila matapos maaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat nilang kasamahan na nangikil umano sa isang dayuhan.
Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo, muli na naman nabahiran ang imahe ng MPD dahil sa kagagawan ng iilang pulis.
Aniya, hindi ikinatuwa ni MPD Director Chief Supt. Joel Coronel ang nangyari kaya mahigpit ang kautusan nito na imbestigahan ang mga sangkot na pulis.
Pero iginiit ni Superintendent Eufronio Obong, sinibak na hepe, na wala siyang alam sa umano’y pangingikil ng kaniyang mga tauhan.
“Nagsarili ng mga lakad ‘yan. Personal nila ‘yan, hindi ko actually kilala personally ang mga ‘yun, kung ano man mentalidad ng mga ‘yan,” sabi ni Obong.
Bukod kay Obong, tinanggal din ang 17 tauhan ng intelligence unit ng istasyon.
Nahuli noong Biyernes ng NBI sa isang entrapment operation ang mga Malate police na sina Senior Police Officer 3 Ranny Dionisio, Police Officer (PO) 3 Richard Bernal, PO1 Elequiel Fernandez, at PO1 Arjay Lasap.
Ikinasa ang operasyon laban sa kanila matapos magsumbong sa NBI ang Egyptian na si Amir Azab.
Kuwento ni Azab, pinaligiran ng nasa 10 pulis ang kaniyang kotse sa P. Ocampo Street noong nakaraang Lunes ng gabi.
Inakusahan umano si Azab na tumanggap ng shabu mula sa isang babae sa Makati pero itinanggi niya ito.
Pumayag si Azab na makipag-usap sa kanila sa Malate police station kung saan humirit aniya ang mga pulis na aregluhin na lang ang kaso kapalit ng malaking halaga na kalaunan ay ibinaba sa P50,000.
Subalit kinabukasan nang tawagan ng pulis si Azab at pinapapalitan ng cash ang tseke, dito na nagsumbong ang biktima sa NBI.
Iniimbestigahan na rin ng MPD at ng Philippine National Police Internal Affairs Service ang kaso.
Sinabi ni Margarejo na posibleng hindi lang apat na pulis ang sangkot sa pangingikil.
Nakakulong na ang apat na pulis sa kasong robbery-extortion. Ayon sa NBI, tumangging magbigay ng salaysay ang mga pulis sa kanila o kahit sa piskal.
- Latest