Micro-entrepreneurs isinailalim ni Joy Belmonte sa workshop-seminar
MANILA, Philippines — Upang matulungang mapalaki ang kanilang maliliit na negosyo, isinailalim ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte sa isang workshop seminar ang isa na namang grupo ng micro-entrepreneurs sa lunsod.
Sa pakikipagtulungan sa Ateneo Center for Educational Development (ACED), binati ni Belmonte ang mga “artisans” na nagtapos sa Artisan Academy, ang apat na araw na workshop na nagtuturo sa tamang pamamalakad ng negosyo.
Tinuruan ang mga benipisaryo ng mga business-related skills tulad ng financial management, financial literacy, product development, sales and marketing, at costing.
Ang mga resource persons at instructors ay mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Bankers Institute of the Philippines, at Sun Life Financial.
Isa rin sa mga speaker si Reese Fernandez-Ruiz na nagtatag ng kumpanyang “Rag2Riches” o R2R na nagsimula bilang maliit na livelihood assistance project para sa mga kababaihan ng Barangay Payatas noong 2007.
Bilang culminating activity, nagsagawa ang Office of the Vice Mayor at Ateneo de Manila University ng isang araw na bazaar sa school campus kung saan naipakita at nakapagbenta ang mga nagsipagtapos na micro-entrepreneurs ng kanilang mga produkto.
Tiniyak ni Belmonte na patuloy na magsasagawa ng workshop seminar ang Artisan Academy sa mga nangangailangang residente ng lungsod tulad ng mga solo parents upang makapagtayo sila ng kanilang pagkakakitaan.
Anya, dapat lamang na maging “economically empowered” ang mga kababaihan upang hindi na sila umasa sa kanilang mga asawa o partner.
Base sa datos, sinabi ni Belmonte na 40 porsyento ng malalaking kumpanya sa bansa ay pinatatakbo ng mga babae habang sa Quezon City, mas marami ang mga babaeng negosyante.
Bukod sa Artisan Academy, ilan pa sa mga programang pangkabuhayan ni Belmonte ay ang Tindahan ni Ate Joy at ang Lipad (Local Inclusiveness Project for the Advancement and Development) - Pinay Program na naglalaan ng dagdag kita sa mga taga-Quezon City para sa kani-kanilang mga pamilya.
Pinalawak pa ni Belmonte ang naturang programa upang maisali ang mga asawa ng mga drug dependents na sumuko at sumasailalim sa community rehabilitation.
Tinutulungan din niya ang mga small women entrepreneurs na magkaroon ng mga libreng espasyo sa ilang mga shopping mall upang lumago ang kanilang mga negosyo.
- Latest